‘PERMIT TO CAMPAIGN’ FEE NG NPA BINABALEWALA NA

cpp npa12

(NI JUN V. TRINIDAD)

LUCENA CITY – Dalawang linggo bago isagawa ang eleksyon, karamihan sa mga kandidato sa Southern Tagalog region ay malayang nakakapangampanya kahit na hindi nagbayad ng “permit to campaign” (PTC) fee sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

“Base sa aming impormayon at patuloy na monitoring, kakaunti lang sa mga kandidato ang naging biktima ng extortion ng NPA,”  pahayag ni Major General Rhoderick Parayno, commander ng Army’s 2nd Infantry Division, sa panayam noong Biyernes.

Ang operasyon ng Army’s 2nd ID ay sumasakop sa Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) at sa mga islang lalawigan ng Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque at Romblon.

Paliwanag ni Parayno, malaki ang nagawang pagpapaalala at babala ni Secretary Eduardo Año, ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kandidato na huwag magbayad ng PTC.

Bago pa magsimula ang kampanya ay nagbabala si Año sa mga kandidato na huwag magbayad ng PTC sa NPA at ang sinumang lalabag ay ilalantad sa publiko at sasampahan ng kaukulang kaso.

Ang pagbabayad ng sinumang politiko sa PTC at pagbibigay ng anumang uri ng suporta sa mga rebelde ay paglabag sa itinatakda ng Republic Act No. 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012).

Ang paglabag ay may katapat na parusang pagkakakulong at pagbabayad ng multang P500,000 hanggang P1 milyon. Ang pagbibigay ng suportang pinansyal sa NPA ay isa ring maituturing na bahagi ng krimeng “money laundering”.

Kinumpirma ng ilang kandidato sa lalawigan ng Quezon ang impormasyon ni Parayno.

“Inimbitahan ako ng NPA para sa isang pag-uusap. Siguro tungkol sa PTC pero hindi ako pumunta,” ang sabi ng isang kandidato sa panayam.

Ayon naman sa isa pang politiko, ang hindi niya pagbibigay ng PTC fee ay batay sa kasunduan ng mga kapwa niya kandidato. “Desisyon yun ng partido kaya dapat sundin,” ang kanyang paliwanag.

Sabi naman ng isa pang kandidato, nagbigay din siya ngunit hindi ayon sa hinihinging halaga. “Konti lang ang ibinigay ko. Pero hindi naman ako ginagalaw sa aking pangangampanya,” ang wika ng politiko.

Lahat ng kandidatong nakapanayam ay humiling na huwag banggitin ang kanilang pangalan para sa kanilang seguridad.

Ayon kay Parayno, ang hindi pagbabayad ng mga kandidato ay isang positibong indikasyon na nagtatagumpay umano ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga rebeldeng komunista.

“Hindi na sila natatakot ngayon,” ang paliwanag ni Parayno.

Sa mga nakaraang panayam sa Facebook, niliwanag naman ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison na wala umanong hinihinging PTC ang “People’s Democratic government”.

Ngunit niliwanag ni Sison na may mga kandidato na umano’y “kusang-loob na nagbibigay ng kontribusyon sa kahit anong paraan para sa mga programa at proyekto na ipinatutupad ng kilusan” sa kapakinabangan ng mga mamamayan sa nasasakop ng kanilang teritoryo.

 

123

Related posts

Leave a Comment