(NI JESSE KABEL)
KINUMPIRMA ng ilang tauhan ng Philippine Coast Guard na nakararanas sila ng signal jamming habang sila ay nagpapatrulya sa karagatang sakop ng West Philippine Sea.
Ayon sa mga miyembro ng PCG na nakatalaga sa BRP Sindangan, hirap ang kanilang mga communication equipment na makipagtalastasan.
Pahayag pa nila na nahihirapan silang makipag-usap gamit ang kanilang satellite phone habang sila ay nasa bahagi ng Spratly Islands.
Subalit hindi naman nila direktang matukoy kung saan nagmumula ang jamming device na nag-interfere sa kanilang communications.
Nabatid na ang Parola-class vessel ng PCG ay nagpapatrulya sa bahagi ng Panganiban Reef (Mischief Reef) at Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal noong nakaraang linggo bilang bahagi ng kanilang routine patrols.
Ang Panganiban Reef ay sinasabing nakapaloob sa exclusive economic zone ng Pilipinas at ito ay tinayuan na ng artificial islands ng China.
166