HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) officers na makapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Swedish national na hinihinalang terorista, at kanyang tatlong kasama.
Ayon kay BI Port Operations Division chief Grifton Medina, ang mga pasahero na hindi binanggit ang mga pangalan, ay dumating sa NAIA Terminal 1 noong Pebrero 5 mula sa Singapore.
“The passenger was immediately excluded after the immigration officer saw that his name registered a positive hit as a suspected international terrorist,” ani Medina.
Idinagdag niyang ang tatlo pang foreign nationals na kasama na nagbiyahe ng hinahinalang terorista, ay agad pinabalik sa kanilang pinagmulang mga bansa.
Sinabi pa ni Medina, base sa kanilang database na naka-link sa Interpol database, na naglalaman ng impormasyon ng kaugnay sa foreign nationals, nasasangkot umano sa mga aktibidades bilang terorista ang nasabing dayuhan.
Ipinaliwanag pa niya, sa ilalim ng Immigration Act, ang BI ay maaaring tanggihan na makapasok sa bansa ang sinumang dayuhan na pinaghihinalaang may kaugnayan sa teroristang grupo.
“He is just one of thousands of international terrorists whose names were included in the shared database containing information supplied by the various law enforcement and intelligence agencies here and abroad,” dagdag pa ni Medina.
Napag-alaman din na ang pinaghihinalang terorista at tatlong kasama ay pawang Iraqi descent at mula sa Iraq’s Kurdistan region na kung saan ay matagal nang may giyera para sa independent Kurdish state. (JOEL AMONGO)
142