(NI JG TUMBADO)
DINAKIP ng awtoridad ang kasalukuyang alkalde sa bayan ng Tubajon sa Dinagat Island na si Romeo Constantino Vargas makaraang masamsaman ito sa kanyang tahanan ng samu’t saring mga armas, Sabado ng madaling araw.
Armado ng search warrant na ipinalabas ni Judge Shineta Tare Palacio ng 10th Judicial Region Branch 32, magkasamang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng CIDG-Surigao del Norte Field Unit, CIDG-Agusan del Norte Field Unit, Surigao del Norte PNP Maritime Group, PNP-Special Action Force, Provincial Intelligence Branch, Police Provincial Office at Tubajon Municipal Police station, ang bahay ni Vargas sa nasabing lugar pasado ala 1:00 ng madaling araw.
Nakuha sa ikinasang operasyon ang isang M16 rifle na may sniper scope, isang caliber .22 magnum, isang air gun convertible at iba’t ibang mga bala.
Sinabi ni Chief Supt. Gilberto DC Cruz, Police Regional Office-13 Director, nahaharap si Vargas sa paglabag nito sa RA no. 10591 o ang comprehensive law on firearms and ammunition.
Maliban sa alkalde ay kasamang inaresto ang ilan sa mga tauhan nito na nagbabantay sa kanyang bahay.
145