ALINSUNOD sa direktiba ng Pangulo, sanib-pwersang inilunsad ng Office of the Ombudsman sa Visayas at tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Cebu ang isang programang naglalayong muling ibalik ang integridad ng kawanihang mas kilala sa katiwalian.
Sa ginanap na Corruption Webinar na dinaluhan ng buong pwersa ng BOC-Cebu kamakailan, tinalakay ni Assistant Ombudsman Jane Aguilar ang mga probisyon sa paglabag at ang karampatang parusang takda sa ilalim ng 2017 Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS).
Bahagi rin ng mga pinaksa sa naturang pagtitipon ang Republic Act 6770 (Ombudsman Act of 1989), RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), RA. 7080 (Plunder Law),” at mga kastigo at multang kalakip ng mga kasong kriminal batay sa Revised Penal Code.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni BOC-Cebu District Collector Charlito Martin Mendoza na higit na kailangang mas madalas na paalala sa mga kawani ng pamahalaan hinggil sa sinumpaang tungkulin. Angkop din aniyang sariwain ang kamalayan ng mga opisyal at empleyado ng nasasakupang distrito sa mga reglamento ng ahensya.
“We can only do what we set out to do to evolve our processes and procedures to respond to the changing needs and demands of these digital times if our personal and collective compass aligns with the unswerving definition of integrity and moral uprightness in public service. As agents of change, all of us must align our morals, words, and actions with integrity. Any change we initiate should align with it. To uphold, restore, and protect the integrity of the Bureau of Customs, we must regularly submit ourselves for reorientation and refresher courses like this seminar,” sambit ni Mendoza sa kanyang mensahe.
(JOEL AMONGO)
