(NI BERNARD TAGUINOD)
LUMUSOT na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga caregiver o ang mga nag-aalaga ng mga matatanda at may sakit.
Nangailangan lang ng ilang minuto ang House committee on labor and employment na pinamumunuan ni 1PACMAN party-list Rep. Eric Pineda nang aprubahan ang substitute bill para bigyang proteksyon ang caregivers.
Sa kanyang panukala, sinabi ni TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza na isa sa mga manggagawa na hindi napapansin at dehado ay ang mga care giver sa bansa.
“Yung kulang ang minimum wage, then wala silang social benefits. They work long hours. The caregivers are prone to abuses. In the particular bill, those were addressed,” pahayag ni Mendoza.
Sinabi naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman sa nasabing pagdinig na napakahalaga ng trabaho ng caregivers dahil sa kanila nakasalalay ang kapakanan ng mga matatanda at may sakit na inaalagaan sa bahay ng mga pasyente.
“Caregivers must also be protected against abuse, harassment, violence and economic exploitation. These proposed policies must also be enacted into law to maintain excellent and globally competitive standards for the caregiver professional service,” ani Roman.
Dahil dito, nagkaisa ang mga mambabatas na kailangang magkaroon ng seguridad at tamang sahod ang caregivers kaya bago magtrabaho ang mga ito ay dapat mayroong pirmadong kontrata.
Bukod sa minimum wage na umiiral sa rehiyon kung saan nagtatrabaho ang mga caregiver ay dapat mayroong benepisyo ang mga ito tulad ng Social Security System (SSS) at Philhealth.
Umaasa ang mga mambabatas na agad na mapagtibay ang nasabing panukala sa plenaryo ng Kamara para sa ikalawa at ikatlong pagbasa upang agad na maipatupad ito at magkaroon na ng proteksyon ang caregivers na hindi biro ang trabaho.
