PINABIBIGYAN ng mas malakas na proteksyon at makatarungang benepisyo ang mga frontline Disaster Risk Reduction Management workers lalo pa’t isinusugal nila ang kanilang buhay kapag panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.
Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) 2268, o “Magna Carta of Disaster Risk Reduction and Management Workers Act” na inakda ni Quezon City Rep. PM Vargas bilang pagkilala sa DRRM workers na laging nasa panganib kapag panahon ng kalamidad para magligtas ng buhay at ari-arian sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.
“Buhay nila ang pinaka nanganganib tuwing may sakuna. Sila ang unang rumeresponde kaya dapat lang na unahin din natin sila,” pahayag ni Vargas.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng disaster frontline workers ay magkakaroon ng job security at hindi sila pwedeng sibakin sa trabaho na walang sapat na dahilan.
Bukod dito, magkakaroon ang mga ito ng Hazard pay, night shift differential overtime compensation, medical, mental at psychosocial support.
Upang magkaroon ang mga ito ng proteksyon sa pagganap ng kanilang trabaho, kailangang matiyak na may sapat na protective equipment, training at capacity building at iba pa.
“DRRM workers are often first to respond and last to leave when calamities strike. They operate under extreme and hazardous conditions yet continue to be among the most undervalued in public service,” paliwanag pa ni Vargas.
Ang nasabing panukala ay unang itinulak ng kapatid ng mambabatas na si Quezon City Councilor Alfred Vargas dahil sa mga nasawing frontline workers sa mga nakaraang panahon subalit hindi naipasa.
“The Magna Carta is long overdue—it is our obligation to protect those who protect us,” paliwanag ng mambabatas kaya umapela ito sa liderato ng Kamara na bigyan prayoridad ito ngayong 20th Congress.
(BERNARD TAGUINOD)
