OFW NA BIKTIMA NG ABUSO SA TAIF, SAUDI ARABIA HUMIHINGI NG SAKLOLO

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISA na namang overseas Filipino worker (OFW) ang dumulog sa OFW JUAN upang humingi ng saklolo matapos makaranas ng matinding pang-aabuso mula sa kanyang employer sa Taif, Saudi Arabia.
Kinilala ang biktima na si Joan Gumbok Bitoon, isang domestic worker na tatlong buwan pa lamang nagtatrabaho sa ilalim ng kanyang employer sa naturang lugar. Ngunit sa halip na maayos na tratuhin, si Joan ay nawalan na ng ugnayan sa kanyang pamilya matapos kunin ang kanyang cellphone. Wala na siyang komunikasyon sa kanyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Ayon sa salaysay ni Joan, hindi rin umano siya binibigyan ng sapat na pagkain. Sa katunayan, ang ipinapakain sa kanya ay mga tira-tira at minsan pa raw ay may kagat na ang tinapay na ibinibigay sa kanya. Bukod pa rito, siya ay sumailalim sa operasyon sa kanyang kili-kili na naging dahilan upang hindi siya makapaglaba gamit ang kanyang kamay. Sa kabila ng kanyang kondisyon, patuloy pa rin ang pagtatrabaho at walang konsiderasyong ibinibigay sa kanya ang kanyang employer.
Si Joan ay na-deploy sa ilalim ng Net Work Management Recruitment Resources Corp., habang ang kanyang Foreign Recruitment Agency (FRA) ay ang Golden Excellence Recruitment Office. Ayon sa sumbong, diumano’y parehong nagbanta ang mga ito na hindi pauuwiin ang manggagawa maliban na lamang kung ito ay ma-rape o mamatay.
Dahil dito, nananawagan ang OFW JUAN sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at MWO Jeddah na agarang aksyunan at bigyang proteksyon si Joan Gumbok Bitoon laban sa patuloy na pang-aabuso at bantang panganib sa kanyang buhay.
Ang kaso ni Joan ay isa lamang sa napakaraming kuwento ng pang-aabuso na dinaranas ng mga OFW sa ibayong-dagat. Nawa’y magsilbi itong panawagan sa pamahalaan na paigtingin pa ang
proteksyon at suporta para sa ating mga makabagong bayani.
Para sa mga nais isumbong ang mga karanasan ng pang-aabuso sa ibang bansa, makipag-ugnayan sa OFW JUAN sa pamamagitan ng pag eMail sa ofwjuan@yahoo.com .

138

Related posts

Leave a Comment