IPATATAWAG sa mababang kapulungan ng Kongreso ang itinuturong protektor ng Philippine Offshore and
Gaming Corporation (POGO).
Nabatid na nakukumbinsi ang isang mambabatas sa Kamara na maraming anomalya sa operasyon ng POGO dahil sa umano’y protektor ng mga ito.
“Kung walang anomalya, walang protektor. Bakit sila mayroon protektor?,” tanong ni House committee on games and amusement chairman Eric Yap.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos lumutang ang pangalan ng isang “Michael Yang” na nagsisilbing protektor umano ng mga POGO operator sa Pilipinas sa pagdinig ng Senado kamakailan.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa nasabing usapin, isang Taiwanese POGO worker ang nagsabi sa mga senador na isang Michael Yang umano ang protektor ng mga POGO operator sa bansa.
“Ipatatawag natin siya dito sa House,” ani Yap dahil patuloy umano silang magsasagawa ng imbestigasyon hangga’t hindi inaayos ng mga ahensya ng gobyerno ang nasabing problema lalo na sa pagbabayad ng tamang buwis ng mga POGO.
Wala pang impormasyon ang Senado kung ang tinutukoy na Michael Yang at ipinagmamalaki ng mga POGO operator ay ang economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Yap na kung talagang may protektor ang mga POGO operator, maraming anomalyang itinatago ng mga ito dahil kung malinis na nagnenegosyo lang ang mga ito sa bansa ay hindi na nila kailangan ang protektor.
Samantala, umapela si Yap sa mga otoridad na huwag basta-basta pinakakawalan ang mga Chinese criminal lalo na ang mga sangkot sa prostitution at kidnap for ransom activities. BERNARD TAGUINOD
