WALANG naitalang aberya sa unang araw ng tradisyunal na Misa de Gallo sa National Capital Region, batay sa ulat ng pulisya.
Sa isang pahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO), naging maayos at mapayapa ang pagdiriwang ng misang dinaluhan ng hindi bababa sa 60,000 katao sa mahigit 300 simbahan sa 17 lokalidad ng nasabing rehiyon.
Ayon kay Lieutenant Colonel Jenny Tecson na tumatayong tagapagsalita ng NCRPO, nasunod ang itinakdang panuntunan ng Inter Agency Task Force kaugnay ng venue capacity sa mga bahay dalanginan, ayon mismo sa ulat ng 3,000 pulis at 11,000 force multipliers na itinalaga para magpatupad ng minimum public health and safety protocols.
Gayundin sa simbahan ng Quiapo sa lungsod ng Maynila kung saan nagdaos ng dalawang misa – isang nagsimula ganap na alas-4:00 ng madaling araw at nasundan ng isa pa bandang alas-5:00 ng umaga.
Sa ulat ng Quiapo detachment ng Manila Police District (MPD), 600 hanggang 700 indibidwal lang ang pinahintulutang makapasok sa simbahan, habang nasa 300 katao naman ang nasa labas ng tahanan ng Poong Nazareno.
Wala namang naitalang anumang insidente maliban sa batang nawaglit sa mata ng kanyang kasamang nakatatanda. Agad din namang natagpuan ang paslit sa tulong ng mga pulis-Maynila.
Sa kabila ng maayos na simula ng 9-araw ng simbang gabi, naging kapuna-puna naman ang karaniwang nagtitinda ng mga kakanin tulad ng puto bumbong at bibingka na tradisyunal na ibinebenta tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Kabilang sa mahigpit na bilin ng NCRPO sa publiko ang pagpapanatili ng physical distancing at pagsusuot ng facemasks sa loob at labas ng mga simbahan.
Paalala pa ng pulisya, huwag iwanang walang tao ang kanilang tahanan para maiwasan manakawan ng mga kawatan. Hindi na rin anila kailangan ng magarbong alahas at cellphones sa pagdalo ng misa. (RENE CRISOSTOMO/ LILY REYES)
