PSA INATASAN NI PBBM PABILISIN AT PAGAANIN PAGKUHA NG MGA DOKUMENTO

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Statistics Authority (PSA) na higit pang gawing simple at mabilis ang proseso ng pagkuha ng mga civil registry document, partikular ang pagwawasto ng birth certificate, bilang bahagi ng adbokasiya ng pamahalaan para sa digitalization at pinahusay na serbisyo publiko.

Ito ay matapos tugunan ng Pangulo ang mga alalahanin at mungkahi ng publiko hinggil sa mabagal at komplikadong proseso sa pagkuha ng mga dokumento at aplikasyon ng ID, lalo na para sa mahihinang sektor at mga nakatira sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

Sa kanyang BBM Vlog 278: Sagot sa Polisiya, na in-upload sa YouTube, binigyang-diin ni Marcos ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na pagbutihin ang digital services ng bansa, kabilang ang pagpapatupad ng eGov PH App—isang one-stop mobile platform na nagpapadali ng transaksyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Sa tingin ko, sa mga nagagawa na nating improvement gamit ang eGov at internet, dapat ay isa na ito sa mga serbisyong hindi na natin inaalala. Napaka-basic naman niyan at ilang oras ang kakainin sa inyong araw para lang pilahan ang iisang dokumento,” ani ng Pangulo.

“Gamitin natin nang gamitin at kami naman sa national government, dapat ay padadaliin namin ang proseso. Kaya PSA, padaliin ninyo na, pabilisin ninyo na,” dagdag ni Marcos.

Nabanggit din ng Pangulo na inilunsad kamakailan ng PSA ang PSA e-Certificate service, na nagbibigay-daan sa mga Pilipino na makakuha ng digital na kopya ng kanilang birth certificate, marriage certificate, at iba pang civil registry documents.

Ayon sa Pangulo, dapat maging pamantayan na sa lahat ng PSA offices ang serbisyong ito at dapat ding payagan ang pagkuha ng pisikal na kopya sa alinmang PSA branch upang maging mas maginhawa ang transaksyon ng publiko.

Binigyang-diin din ni Marcos na dapat kilalanin ng lahat ng ahensya ng pamahalaan ang mga digital document bilang valid na dokumento.

“Kung tutuusin, marami na tayong serbisyo sa eGov na kailangan lang fully ma-integrate sa workflow ng iba’t ibang opisina,” ani ng Pangulo.

Gayunman, inamin ni Marcos na maaaring kailangan pa rin ang personal na pagharap sa ilang proseso upang maiwasan ang mga mapanlinlang na pagpaparehistro ng kapanganakan, na binanggit ang kaso ni Alice Guo bilang halimbawa.

Samantala, binigyang-diin din ng Pangulo ang patuloy na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga marginalized sector na makakuha ng pagkakakilanlan at civil registry documents.

Kabilang dito ang Pag-Abot ID para sa mga street dweller na maaaring gamitin bilang supporting document sa pag-aapply ng iba pang ID.

Mayroon ding Co-Location program ang DSWD na nagdadala ng PSA assistance sa mga payout sites ng ahensya upang matulungan ang mga benepisyaryo na makakuha ng mga dokumento tulad ng birth certificate at national ID.

“Pinadali na rin ng PSA ang proseso ng pagkuha ng National ID. Tinatanggap na ng PSA ang kahit anong dokumento na may pangalan, araw ng kapanganakan, address, litrato, lagda o thumbmark, katulad ng Barangay Clearance,” ani ng Pangulo.

“Sa mga kababayan nating kabilang sa marginalized sector o nakatira sa mga GIDA, kung may Barangay Clearance kayo, maaari na kayong makakuha ng National ID,” dagdag pa ni Marcos.

Para naman sa ibang mamamayan na hindi kabilang sa pinakamahihirap na sektor, hinikayat ng Pangulo ang paggamit ng mga digital government services tulad ng PSA e-Certificate program.

(CHRISTIAN DALE)

106

Related posts

Leave a Comment