SUMASABAY na ang mga scammer sa pag-unlad ng teknolohiya dahil ginagamit na ng mga ito ang Artificial Intelligence (AI) technology para makapanloko.
Dahil dito, umapela si House committee on information communication technology chairman Rep. Toby Tiangco sa publiko na maging mapagbantay upang hindi mabiktima ng scammers na gumagamit na rin anya ng AI technology.
“Nakakalungkot dahil habang umaangat ang ating teknolohiya, nagiging high tech na rin ang mga scammers,” ayon sa mambabatas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos makarating sa kanyang kaalaman na ginagamit na ang AI para sa mga pekeng transaction slips para mahuthutan, hindi lamang ang mga ordinaryong mamamayan kundi maging ang mga negosyante.
“Paalala po sa ating mga kababayan, pati na rin sa mga negosyo, huwag basta-basta maniwala sa ipinapakitang resibo ng transaksyon. Mag-double check, mag-validate, dahil kayang-kaya na ngayong gumawa ng pekeng slip gamit ang AI,” babala ng mambabatas.
“Lagi pong mag-ingat at maging mapagmatyag dahil talamak na ang paggamit ng AI para makapanlamang sa kapwa,” dagdag pa nito.
Bukod dito, tumataas na umano ang kaso ng “romance at investment” scam sa bansa dahil sa nasabing teknolohiya.
“May mga scam ngayon kung saan may ka-video call ka pa. Akala mo totoo ang kausap mo, pero AI-generated na pala ang mukha at boses,” paliwanag ni Tiangco.
Kasabay nito, binalaan niya ang mga scammer na maaari silang masampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Financial Scamming Act na may parusang mula 12 hangang 20 taong pagkakabilanggo.
(BERNARD TAGUINOD)
