NANAWAGAN sa publiko ang isang organisasyon ng mamimili at mananakay na huwag paloloko sa posibleng pagtakbo ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa pagkapangulo ng bansa sa halalang 2022.
Idiniin ni Rodolfo “RJ” Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), sa SAKSI Ngayon na hindi pabor ang kanyang organisasyon na tumakbo si Go.
Nitong Huwebes, mariing itinanggi ni Go, sa pamamagitan ng isang broadsheet, na interesado siyang sumali sa halalan sa pagkapresidente sa Mayo sa susunod na taon.
Ang pagtanggi ni Go ay nakakonteksto sa madalas na pagbanggit ng kanyang pangalan sa pipiliin ni Pangulong Rodrigo Duterte na papalit sa kanya.
Ngunit, pinaniniwalaang hindi ito totoo dahil posibleng taktika lamang ang pagtanggi at pag-iwas nito tulad ng ginawa ni Duterte ilang buwan bago ang iskedyul na paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa eleksyong 2016.
Matapos itanggi, kinabukasan ay binanggit ni Presidential Spokesman Harry Roque Jr. ang pangalan ni Bong Go bilang isa sa limang pinagpipilian ni Duterte na maging kandidato ng administrasyon at ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) sa pagkapresidente.
Bukod kay Go, ang apat pa ay anak ng pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao at Manila Mayor Francis “Isko Moreno” Domagoso.
Tablado at bagsak si Bong Go sa UFCC, ayon kay Javellana, dahil walang paninindigan ang bagitong senador tulad ni Pangulong Duterte, lalo sa isyu ng “public utilities”.
“Wala namang paninindigan si BONG GO sa public utilities [na] tulad ng kanyang among Pangulo”, pahayag ni Javellana sa SAKSI Ngayon.
Kumbinsido ang UFCC na “wala namang naganap na pagbabago… sa usaping utilities. Lalo lamang naghirap ang mga consumers at commuters natin” sa termino ni Duterte.
Ang “meron [ay] panggagago”, patuloy na rapido ni Javellana.
“Nakakasuka na ang kanilang sabwatan sa mga supporter nilang mga oligarko na tuluy-tuloy ang panggagago sa publiko,” paliwanag ni Javellana.
Ayon pa sa lider ng UFCC: “Kung si PRRD ay hindi nadismantle ang oligarkiya, kabaliktaran ng sagad-sagaring pagsisinungaling ni PRRD sa publiko, si BONG GO pa kaya? Tama na ang panloloko sa publiko!”
Mahigit na 20 taong naging alalay ni Duterte si Bong Go nang nanunugkulan pa ang una sa pamahalaang lungsod ng Davao.
Nagpatuloy si Go sa pag-alalay kay Duterte nang maging pangulo ang huli simula noong Hunyo 30, 2016, ngunit itinalagang “Special Assistant to the President” (SAP) si Go.
Noong eleksyong 2019, software at vote counting machines (VCMs) ng SMARTMATIC Corporation pa rin ang gamit ng Commission on Elections (Comelec), samantalang binatikos nang todo ni Duterte ang SMARTMATIC matapos ang eleksyong 2016.
Nanalo si Go at mga kandidato ng administrasyon sa pagkasenador noong 2019.
Simula nang maglunsad ng sarbey noong Disyembre ng nakalipas na taon sa mga tatakbong pangulo ay kasama na ang pangalan ni Bong Go.
Ngunit, palaging kasama si Bong Go sa dulo.
Dinaig pa siya ni Marcos na wala sa pamahalaan at Senado, ngunit palaging pangalawa sa sarbey.
Nilinaw ni Javellana na pabor lamang ang UFCC sa kandidatong papabor na “ibalik ang public utilities sa kontrol ng estado para mabawasan ang kahirapan ng publiko sa mataas na bayarin sa kuryente, Aboitiz Power, More Power ni Razon, Maynilad, Manila Water, Prime Water, Smart, Globe, NLEX, SLEX at iba pa”. (NELSON S. BADILLA)
