INAALAM ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa nangyaring sea gun battle sa pagitan ng AFP special operations unit at grupo ng CPP- NPA sa dagat sakop ng Samar Island, ang natagpuang pugot na bangkay, bukod pa ito sa napaulat na namataang dalawang labi ng lalaki, ayon sa militar.
Kahapon kinumpirma ng AFP 8th Infantry Division na may isang bangkay ng lalaki ang nakitang palutang-lutang malapit sa maliit na isla ng Libacun Gute sa Tarangnan, Samar.
Hanggang ngayon, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung konektado ang natagpuang mga bangkay sa pagsabog ng isang bangkang de motor na sinakyan ng isang grupo ng mga armadong indibidwal na naka-engkwentro ng mga sundalo sa Catbalogan noong madaling araw ng Lunes.
Matatandang noong Martes, isang bangkay rin ng babae at wasak na bangka ang natagpuan ng mga awtoridad sa karagatan ng Sitio Cambalangao, Poblacion B, Tarangnan, Samar.
Ayon sa ulat ng local police, may isang pugot na bangkay umano ng lalaki ang natagpuan ng mangingisda sa karagatan ng Sitio Cambarangas, Barangay Libucan Gute, Tarangnan, Samar, alas-6:00 ng umaga noong Huwebes.
Agad itong nirespondehan ng mga sundalo, pulis, Philippine Coast Guard at mga kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Tarangnan at agad na inilibing ng mga awtoridad ang bangkay.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ni Capt. Ryan D. Layug, chief, Division Public Affair Office 8ID, “Ang nakakita niyan taga Brgy. Cagutsan, tapos ni-report sa mga barangay official namin kanina maaga pa, bandang alas-sais”.
Sinabi naman ni JTF Storm commander, Maj. Gen Edgardo De Leon, “Humingi na rin kami ng tulong sa Samar Provincial Disaster Risk Reduction Management Office para matulungan ang Tarangnan Municipal Disaster Risk Reduction Management Office. This way mas mapabilis and search and retrieval natin at magkarelyebo ‘yung mga tao na involved sa operations.”
“Nagpapasalamat tayo muli sa mga residente, mangingisda at barangay at municipal officials. Malaking tulong din po na merong internet, social media na nagagamit sa pagre-report. Nai-post ito ng Barangay Council sa FB Account nila kaya agad namin nirespondehan. In fact, as of this time, we got another information through social media that two more floating human remains were sighted and I am sending a retrieval team to check. If that is true then we would have accounted for four NPA terrorists dead in off-shore encounter,” pahayag pa ni De Leon.
Hinihinalang kasama ng armadong grupo ang pinaghahanap ng batas na mag-asawa at high ranking officials ng CPP-NPA-NDF na sina Benito at Wilma Tiamzon. Bagay na hanggang ngayon, hindi pa makumpirma ng militar. (JESSE KABEL)
