PULIS PATAY SA GUN BUY-BUST OPS NG PNP BICOL

PATAY ang isang pulis na hinihinalang sangkot sa gunrunning activities, nang makipagbarilan sa inilunsad na entrapment operation sa Placer, Masbate noong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP-Police Regional Office 5 chief, P/Brig. General Jonnel C. Etomo, nauwi sa palitan ng putok ang entrapment operation na ikinasa ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), at mga kawani ng PNP-PRO5 laban sa pulis na sangkot umano sa pagbebenta ng hindi lisensyadong baril.

Ayon sa impormasyon mula sa PNP-IMEG, sa pamumuno ni P/BGen. Flynn Dongbo, kinilala ang pulis na si P/SSG Grafilo Pahilino Jr. na nakatalaga bilang intelligence operative ng Placer Municipal Police Station.

Nangyari ang sagupaan sa Brgy. Matagangtang, Placer, Masbate nang isagawa ang buy-bust operation laban kay Pahilino.

Si Pahilino ay miyembro ng PNP-Bicol na may ranggong Police Staff Sergeant na nakatalaga sa Cataingan MPS, Masbate Police Provincial Office.

Sa isinagawang operasyon, matagumpay na nakabili ng walang dokumentong baril ang poseur buyer ng PNP. Kabilang sa nabili ang tatlong kalibre .38 revolver at isang kalibre .45 Norinco, sa halagang P25,000.

Matapos ang palitan ng items, sumenyas ang poseur buyer ng PNP sa iba pang kasama nito na agad namang napansin ng suspek. Nang makita ang papalapit na mga pulis, binunot nito ang kanyang baril at pinaputukan ang poseur buyer na tinamaan sa braso.

Ang mga operatiba ay gumanti ng putok upang protektahan ang kanilang kasamahan at pigilan ang paglala pa ng komosyon na nagresulta sa pagkamatay ng suspek. (JESSE KABEL)

104

Related posts

Leave a Comment