CAVITE – Sugatan ang isang lalaking nasa listahan bilang rank no. 6 most wanted person (MWP) nang pumalag at pinaputukan ang mga umaresto sa kanya sa bayan ng Indang sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Nilalapatan ng lunas at naka-hospital arrest ang suspek na si Roxel Dongon Royo, alyas “Odel”, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ulat, dakong alas-10:00 ng gabi, nagsagawa ng operasyon kontra wanted person ang pinagsamang pwersa ng mga operatiba ng Indang MPS Warrant Section and Intelligence Operatives at Aroroy MPS Masbate PPO sa Brgy. Kayquit 3, Indang, Cavite.
Subalit nang matunugan ng suspek ang pagdating mga mga awtoridad, pinaputukan ang mga ito gamit ang kanyang kalibre .38 na baril subalit nagmintis.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad kaya tinamaan sa kanang hita, kanang palad, at kaliwang pigi ang suspek na isinugod sa General Emilio Aguinaldo Hospital at isinailalim sa hospital arrest.
Si Royo ay itinuturing na rank no. 6 regional MWP dahil sa kasong 2 counts ng murder. (SIGFRED ADSUARA)
