PATAY ang isang 22-anyos na stevedore matapos barilin ng dalawang lalaki na nangingikil at nagbabanta sa mga trabahador ng Market 1, matapos tumangging magbigay ng isda ang biktima sa mga suspek sa Navotas Fish Port Complex (NFPC), Navotas City nitong Martes ng madaling araw.
Ayon kay Navotas Police chief, P/Col. Rolando Balasabas, dead on the spot si Roel Batiancila ng BGA Compound, NFPC, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Justine Morales, 20, pedicab driver, at Jayson Caspi, 19, kapwa ng Market 3, Brgy. NBBN, na nadakip sa follow-up operation ng mga tauhan ni Northern Maritime Police Station head, P/Maj. Rommel Sobrido.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang naghahakot ang biktima ng mga batya na puno ng isda sa St. Joseph Consignation, Market 1 dakong 1:30 ng madaling araw, nang lumapit ang mga suspek at humingi ng mga isda.
Nang tumanggi umano ang biktima, isa sa mga suspek ang naglabas ng baril at pinaputukan si Batiancila sa ulo na nagresulta sa agarang kamatayan nito.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Northern Maritime Police Station, sa pangunguna ni P/Lt. Erwin Garcia, ay natunton ang mga suspek sa Market 3 ngunit bago tuluyang naaresto ay nagtangka pa ang dalawa na makipagbarilan sa mga pulis.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang .38 kalibreng baril na kargado ng tatlong bala at tatlong basyo ng bala sa chambers nito. (FRANCIS SORIANO)
