PUMs IPINASASAMA SA MASS TESTING

MATUTUKOY kung sino ang asymptomatic carriers kung isasama sa mass testing ang mga persons under monitoring (PUMs) tulad nang isinagawa ng Valenzuela City na pawang krusyal na hakbang upang masugpo ang pagkalat ng corona virus 2019 (COVID-19), ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na ang asymptomatic carriers ang mga taong PUM sa dating klasipikasyon ng kaso ng COVID-19. Hindi sila nagpapakita ng sintomas pero may travel history sa lugar na may travel restrictions o nakasalamuha sa COVID-19 patients.

Sinabi ni Gatchalian na hindi na isinama ang PUMs sa bagong klasipikasyon ng COVID-19 cases pero base sa karanasan sa Valenzuela City, natuklasan na pito sa PUMs ang naging positibo sa virus.

Idinagdag pa ni Gatchalian na ibinigay na sa Department of Interior and Local Government (DILG) at LGUs ang contact tracing, testing ng PUMs na siyang titiyak ng susunod na hakbang partikular sa isolation at treatment.

Dating nakatalaga sa Office of the Civil Defense ang contact tracing.

“Importanteng mahanap natin itong mga pasyenteng walang pinapakitang sintomas dahil sanhi sila ng patuloy na pagkalat ng virus. Magagawa natin ito kung bahagi ang mga PUMs sa mass testing. Sa mga susunod na araw, kailangang makita natin ang buong larawan sa bansa upang malaman natin ang mga susunod na hakbang sa pagsugpo ng COVID-19,” ayon kay Gatchalian.

Base sa pinakahuling guidelines na ipinalabas ng Department of Health, binigyan ng prayoridad ang pasyente at healthcare workers na may mild at matinding sintomas, may kaugnay na travel history at kontak at ikinokonsiderang vulnerable – mga senior citizen, 60-anyos pataas, immunocompromised, at may sakit tulad ng hypertension at diabetes.

Sa virtual presses na ginanap nitong Abril 18, inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, nagpalabas ang Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 25,

na nagsasabing “adopts a national government enabled, local government unit-led, and people-centered response to the COVID-19 health event.”

Sa naturang presser, sinabi ni Nograles na ginawa ng Valenzuela City ang tama sa pagsusuri ng PUMs at gagawin ito ng national government.

Binanggit din ng resolusyon na inaprubahan ang DOH guidelines na gagamitin sa rapid anti-body test kits. Matutukoy ng rapid testing ang pagkakaroon ng anti-bodies matapos magpakita ng sintomas ang pasyente. Ipinatupad ang guidelines nitong Abril 20, 2020. ESTONG REYES

365

Related posts

Leave a Comment