PUNONG BARANGAY, 6 PA TIMBOG SA ILLEGAL QUARRY

NADAKIP ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal kabilang ang isang barangay chairman, na pasimuno umano sa pag-o-operate ng ilegal na quarry sa bulubunduking bahagi ng Tarlac City.

Base sa ulat ng NBI-Environmental Crime Division (EnCD), na isinumite kay NBI Director Medardo De Lemos, nagsagawa ng pagmamanman ang grupo noong Setyembre 2 at 19 sa Brgy. Sta. Maria ng naturang lungsod, at nakumpirma ang presensya ng isang quarry operation.

Nang berepikahin sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources (DENR), nabatid na wala silang inaprubahang permits para sa operasyon ng quarry sa naturang lugar.

Noong Oktubre 3 ay nagkasa ng operasyon ang NBI, katuwang ang mga tauhan ng DENR-MGB Region III, na nagresulta sa pagkakadakip kay Barangay Captain Albert Mercado na umano’y tagapamahala sa ilegal na quarry operation, at kanyang barangay councilor na si Arturo Dela Cruz, na nagsisilbi namang checker.

Nadakip din sa operasyon ang mga tauhan na sina Joel Santos, Jesus Santos, Jessie Santos, Jonathan Santos at Jerry Espinosa.

Nakumpiska sa kanila ang isang payloader at apat na trak na may kabuuang halagang P1.8 milyon.

Nakumpiska rin ang delivery receipts na nagpapatunay na ang mga nakukuhang mga mineral sa quarry ay idini-deliver nila sa mga lalawigan ng Cavite, Batangas at sa Gapan, Nueva Ecija, sa Pampanga at iba pang mga lugar.

Sa imbestigasyon, nabatid pa na ang kinikita sa quarry operation ay pinaghahatian nina Brgy. Captain Mercado at ng ilang tiwaling tauhan ng provincial government ng Tarlac sa 60:40 ratio na hatian.

Nabatid pa na ang Royal Crown Monarch Inc., isang kumpanya na kinontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon ng mga proyekto sa Tarlac City, ay kumukuha ng mga materyales mula sa ilegal na quarry.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 103 (Theft of Minerals) ng RA 7942 o “Philippine Mining Act of 1995,” ang mga nadakip sa Tarlac City Prosecutor’s Office habang patuloy ang imbestigasyon hinggil sa lalim nang pagkakasangkot dito ng mga tauhan ng pamahalaan. (RENE CRISOSTOMO)

322

Related posts

Leave a Comment