PUSPUSANG PAGHAHANDA SA NEW TERMINAL NG CLARK INT’L AIRPORT

PUSPUSAN na ang pag­hahanda ng Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-POC) sa nalalapit na operasyon ng bagong terminal sa Clark International Airport.

Sa isinagawang live integrated trials, ipinamalas naman ng mga kawani ng BOC-POC ang kahandaan sa pagtugon sa mas mala­king hamong kalakip ng pagpasok ng mas mataas na bilang ng mga pasahero, bitbit na bagahe at mga kalakal na laman ng mga kargamentong papasok sa naturang paliparan.

Sa isang pahayag, binigyang halaga ni BOC-POC District Collector Alexandra Lumontad ang aniya’y ma­halagang papel na ginagampanan ng kanilang tanggapan sa naturang paliparan kung saan nagmumula ang malaking bahagi ng pondong nalilikom ng kawanihan.

Bilang bahagi ng pag­hahanda, nagsagawa ng live simulation ang BOC-POC sa larangan ng arrival at departure ng mga pasahero, pagsasaayos ng mga bagahe at kargamento, pagsasailalim ng mga ito sa x-ray screening process, inspeksyon, releasing at mga karampatang hakbang sa mga kaduda-dudang kargamento.

Kabilang sa mga nakibahagi sa live simulation ang mga kawani mula sa tanggapan ng District Collector, Deputy Collector’s Office, passenger service, Enforcement Security Service, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Customs Intelligence & Investigation Services at X-Ray Inspection Project.

Pagtitiyak ni Lumontad, walang alinlangang matutugunan ng kanilang tanggapan ang mas malaking hamon kaugnay ng mas mataas na bilang ng mga pasahero, bagahe at kargamentong kanilang ipo-proseso, katuwang ang Luzon International Premier Airport Development (LIPAD) Corporation na siyang punong abala sa operasyon ng Clark International Airport.

170

Related posts

Leave a Comment