HINILING ni Senador Grace Poe sa Palasyo na huwag kalimutan bagkus unahin ang mga drayber ng pampublikong sasakyan at iba pang transport workers dahil sila ang pinakamatinding tinamaan ng pandemya ng COVID-19.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate Committee on public services, na dapat may katapat ang kagalakan sa pagdating ng unang bakuna sa malinaw na pagtanaw ng sistematikong paglalatag ng proseso ng pagbabakuna.
“Kung bibigyan ng bakuna ang health workers kabilang ang iba pang prayoridad na sektor, hindi natin dapat kalimutan ang PUV drivers at iba pang manggagawa sa transportation sector, na pangunahing susi sa pagbangon ng ekonomiya,” giit ni Poe.
Sinabi ni Poe na sa nakalipas na ilang buwan ng lockdown, naging lifeline ang transportation workers sa ating mga komunidad: “Sila ang naghahatid ng manggagawa sa mga tanggapan, naghahatid ng pagkain sa ating tahanan at tumutulong na maipagpatuloy ang daloy ng produkto ng mga negosyo.”
“Ang mga driver kabilang ang ibang grupo na nasa listahan ng prayoridad – senior citizens, titser, OFWs, essential staff, frontline workers, at mahihirap – ang mas kailangan ng proteksiyon laban sa virus dahil sa kanilang sitwasyon habang magsisimula na tayong tumahak sa landas patungo sa bagong normal,” ayon kay Poe.
Samantala, ikinagalak naman ni Senador Joel Villanueva ang pagdating ng unang batch ng bakuna kaya nagsimula ang unang hakbang patungo sa isang daang milyong turok.
“But today’s events shouldn’t be seen as a mere symbolic start but as the start of something sustained, without let up, and in numbers increasing by the week,” ayon kay Villanueva.
Aniya, magiging makabuluhan ang unang taon ng lockdown sa Marso 15 sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating kagustuhan na wakasan ang pananalasa ng takot sa COVID-19. “One injection at a time.”
“Sa ganun din pong pamamaraan natin mabibigyang parangal at saysay ang matinding sakripisyo ng ating mga medical frontliners,” aniya.
Maaari natin silang parangalan sa pamamagitan ng pagbibigay nang mas maraming bakuna na mapagpipilian na dapat maibigay ng pamahalaan sa kanila at sa ating mamamayan, ani Villanueva. (ESTONG REYES)
