HINIKAYAT ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang mga kabataang 11 taong gulang pataas sa lungsod na fully vaccinated at nakatira sa Brgy. Bangkulasi at Brgy. Tanza 1 na maghanda sa pagbisita ang Tuli Yours (Libreng Tuli) team.
Nitong Abril 25, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ginanap ang tulian sa Mahal na Señor Compound sa Barangay Bangkulasi, habang ngayong Abril 26, dakong alas-2:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng tanghali naman gagawin ang tulian sa Tanza 1, Barangay Hall.
‘First come, first served’ ang gagawing pagtutuli, at 100 slots lamang ang ilalaan kaya’t makipag-ugnayan agad sa inyong barangay, ayon sa City Hall.
Samantala, hinimok naman ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang mga lalaki sa lungsod na 11 ½-taong-gulang pataas na makilahok sa Oplan Manhood 2022 para sa libreng tuli.
Dapat ay fully vaccinated na kontra COVID-19 ang magpapatuli, isang linggo o higit pa bago ang araw ng pagtutuli, at kinakailangan ng pahintulot ng magulang bago makipag-ugnayan sa Barangay Health Stations BHS at magpalista.
Bukod dito, kailangan ding tagpos na, o nakahanda nang tuliin ang pasyente, na malalaman sa pamamagitan ng pagpapasuri sa mga BHS, at dapat na may kasamang magulang o guardian na fully vaccinated ang mga batang magpapatuli.
Nakatakdang idaos ang Oplan Manhood sa mga piling BHS sa lungsod mula Abril 30 hanggang Hulyo 1, 2022 mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon, at nagpaalala ang City Hall na patuloy at palaging sumunod sa minimum health standards. (ALAIN AJERO)
