PUWERSA NG LAKAS-CMD SA KAMARA LUMALAKAS

PATULOY na lumalakas ang puwersa ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) sa Makababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa patuloy na paglipat ng mga congressman sa nasabing partido.

Idineklara ng nasabing partido na pinamumunuan ni presumptive Speaker Martin Romualdez, na ang kanilang grupo na ang pinakamalaking partido ngayon sa 19thCongress.

Noong 18th Congress, ang Lakas-CMD ay ikaapat lamang sa mga political party na may pinakamaraming miyembro habang nangunguna naman ang PDP-Laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte..

Makaraang mawala sa kapangyarihan si Duterte, naglipatan na ang karamihan sa mga miyembro nito sa Lakas-CMD at ang pinakahuli rito si Albay Rep. Joey Salceda.

Kasama si Salceda sa mga nanumpa kay Romualdez para maging ganap na miyembro ng Lakas-CMD.

Ang iba pang mga bagong miyembro ng partido ay sina Bohol 2nd District Rep. Maria Vanessa Aumentado, Isabela Rep. Ian Paul Dy, Davao Occidental Rep. Claude Bautista, at Pangasinan Rep. Rachel Arenas.

Inaasahan na madaragdagan pa ang mga congressman na mula sa ibang partido na lilipat sa Lakas-CMD bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25.

Sinabi ni Romualdez na ang patuloy na pagdami ng mga miyembro ng partido “will strengthen support in Congress for the legislative and unity agenda of President Bongbong Marcos”. (BERNARD TAGUINOD)

241

Related posts

Leave a Comment