(NI BERNARDO TAGUINOD)
SA gitna ng pagtatangka ng administration party na PDP-Laban na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makontrol ang Kamara sa 18th Congress, nauubos ang puwersa ng partido sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang isiniwalat ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez sa mga mamamahayag dahil pagkatapos manalo umano ang karamihan sa mga PDP-Laban Congressmen ay naglipatan na ang mga ito sa iba’t ibang partido
“Ilan ang nanalong PDP-Laban Congressmen? 83 I think. Kahalati na ang umalis sa PDP-Laban. Lumipat sa ibang partido,” pahayag ni Benitez na miyembro ng PDP-Laban subalit natapos na ang kanilang termino.
Kabilang sa mga nilipatan umano ng mga PDP-Laban congressmen na partido ay Nationalista Party (NP), Nationalist Peoples Coalition (NPC) at National Unity Party (NUP).
Tumanggi ang mambabatas na sabihin ang dahilan ng mga PDP-Laban Congressmen sa pag-abandona ng mga ito sa partido na nagpanalo kay Pangulong Duterte noong 2016 presidential election.
Gayunpaman, sa kasagsagan ng kampanya sa katatapos na midterm election, marami umano miyembro ng partido ang hindi masaya matapos mapabayaan ang mga ito ng lapian.
Dahil dito, hindi na ang PDP-Laban ang may pinakamalaking puwersa sa Kamara ngayon sa gitna ng speakership race kung saan tatlo sa mga miyembro nito ang naghahangad na maging Speaker sa 18th Congress.
Kinabibilangan ito nina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at Pampanga Rep. Dong Gonzales.
