Pwede nang mag-videoke, pero.. BUMIRIT NANG NAKA-FACE MASK

HINDI ganap ang magiging kasiyahan sa pagbabalik ng mga videoke bar dahil kailangan pa ring magsuot ng face mask ang mga kakanta.

Para kay Presidential spokesperson Harry Roque, mas makabubuti sa mga parokyano o videoke bar-goers na manatiling naka-face mask habang kumakanta para mabawasan ang panganib nang paghawa o pagkalat ng COVID-19.

Sinabi ni Sec. Roque na ang mga karaoke bar sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 ay papayagan na mag-operate ng 50% capacity para sa mga fully vaccinated customers.

Ang mga empleyado at manggagawa ng mga nasabing establisimyento ay kailangan bakunado na rin.

“Sa akin po, mag-iingat pa rin ako. Kung pwedeng kumanta ng naka-face mask, e kumanta na po kayo ng naka-face mask kasi bagamat nais nating mabuhay muli ang ating mga industriya kagaya ng karaoke, ayaw naman nating maging superspreader event yan,”ayon kay Sec. Roque.

“Kung pupwede pag kumanta kayo na naka-face mask pero hindi naman po requirement siguro ‘yan kung merong espasyo between doon sa kakanta at doon sa mga ibang kasama. Pero mas mabuti po talaga, mag-face mask habang kumakanta,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Nitong Huwebes nang ianunsyo ng Malakanyang na isasailalim na sa Alert Level 2 ang Kalakhang Maynila, simula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 21. (CHRISTIAN DALE)

209

Related posts

Leave a Comment