DINALA sa kalsada ng mga gutom na residente ang kanilang himutok sa local government ng Quezon City na anila’y walang maayos na plano kung paano mabibigyan ng ayuda ang mahihirap na residente ng lungsod.
Nagtipon-tipon ang mga residente ng Sitio San Roque, North Triangle, Barangay Pag-asa sa EDSA bilang protesta sa kawalan umano ng tulong ng pamahalaang lungsod.
Giit ng mga residente, bigas at hindi rehas ang dapat itugon ng lokal na pamahalaan sa kanilang hinaing.
Umaapela ang mga ito dahil wala na umano silang makain. Nangangamba rin sila sa kanilang mga bayarin partikular sa tubig at kuryente ngayong wala silang trabaho.
Subalit, agad ding binuwag ng pulisya ang kilos protesta dahil na rin sa paglabag sa ipinagbabawal na mass gatherings sa ilalim ng enhanced community quarantine.
Kinondena naman ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang anila’y marahas na dispersal sa kilos protesta.
Ayon kay Bayan secretary-general Renato Reyes, “Masasagot ba ng pandarahas ang kalam ng sikmura nila? Sila ba ay hahayaan na lang nating tahimik na mamatay sa gutom?”
Sa social media, kumalat ang isang paghahambing sa presyo ng mga ipinamamahaging relief packs ng lokal na pamahalaan ng Pasig at Quezon City. Puna ng netizens, hamak na mas mahal ang presyo ng kada pakete sa Quezon City kumpara sa Pasig.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa sumasagot ang kampo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte hinggil sa hinaing ng mga residente. SAKSI NEWS TEAM
188 