QUEZON GOV. SUAREZ SINITA NG COA SA MILYON-MILYONG PONDO

NASA balag ng alanganin at napipintong masuspendi sa pagka gobernador ng lalawigan ng Quezon si Gov. Danilo Suarez kung hindi nito maipaliliwanag nang maayos sa Commission on Audit (COA) kung saan napunta ang kabuuang P102,131,859.46 na pondo ng lalawigan.

Lumabas sa ulat ng COA na may nawawalang mahigit sa isang daang milyong pisong pondo ang lalawigan kabilang na rito ang pondo para sa pagsugpo sa patuloy na pagtaas ng kaso ng ­COVID-19 sa lalawigan.

Batay sa COA report, diumano’y malaki ang diperensya sa kasalukuyang Cash-in-Bank (CIB) at asset accounts ng lalawigan at ang nakatalang utang at napaggastusan ng Office of the Governor.

Hinahanap ng COA ang hindi nai-remit na mga koleksyon ng collecting officers sa Tanggapan ng Tesorero ng probinsya mula sa 14 provincial hospitals at ilang milyong pisong unliquidated cash advances naman ng tanggapan ng gobernador simula pa noong taong 2019.

Inabisuhan na diumano ng COA si Governor Suarez na atasan nito ang Treasurer’s Office, upang pursigihin ang collection officers nito na i-remit na sa probinsya ang mga nakolektang pondo sapagkat umabot na sa 79 araw ang delays ng remittance.

Pinasusumite rin ng COA kay Suarez ang disbursement reports nito kaugnay ng mga ginastos na salapi ng probinsya alinsunod sa COA Memorandum Circular 2012-001.

Sakaling mabigo si Gov. Suarez na matugunan ang kautusan ng COA ay ­maaaring maharap ito sa patong-patong na kasong kriminal at administratibo na magiging dahilan upang ito’y mapatalsik sa kanyang ka­salukuyang posisyon.

Nakasaad sa batas na nararapat magsumite ang kinauukulang mga opisyales ng local executives ng mga dokumentong magpapatunay kung saan at kung paano ginamit ang pera ng taumbayan.

Sakaling mabigo ang mga opisyal ay maaari itong kasuhan ng pamahalaan ng pandarambong o embezzlement bunga ng kawalan ng nasabing disbursement reports.

At sakaling mapatunayan na nagkasala ang inaakusahan ng paglabag sa isinasaad ng Articles 217 at 218 ng Revised Penal Code of the Philippines o kasong pandarambong, ay makukulong ito ng hanggang apatnapung taon at matatanggalan din ito ng karapatang makatakbo sa ano mang posisyon at makahawak ng ano mang puwesto sa pamahalaan.

Maaari ring sampahan ng administratibo o paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Ethics ang mga opisyal kung mabigo itong sundin ang isinasaad ng COA rules.

Samantala sa ipinalabas na datos ng Department of Health, nananatiling may pina­kamataas na bilang ng mga biktima ng pandemya ang lalawigan ng Quezon at may pinakamababang vaccination rate naman sa buong CALABARZON 4-A.

Idagdag pa riyan ang problema ng mga nasa North Quezon na sa Lucena City pa itinatakbo o dinadala ang kanilang mga may malubhang sakit na kapamilya dahil sa kawalan naman ng sapat na kagamitan ng kanilang pampublikong pagamutan.

127

Related posts

Leave a Comment