LUMANTAD ang ilan pang mga nabiktima ni Mama Ghala sa aming programa ni Col. Gerry Zamudio na UP UP PILIPINAS sa DWDD 1134 KHz AM (Usapang Pangkapayapaan-Usapang Pangkaularan).
Sa aming talakayan ay aming na-interview ang dalawa sa maraming mga biktima ni Madam Ghala at Jasmin na kung saan ay kanilang isinalaysay kung paano sila kinumbinsi ng kakutsaba ni
Mama Ghala upang himukin na sumama sa kanya upang ipasok sa ibang employer.
Kabilang sa aming bisita na ngayon ay nasa Pilipinas na ay si Lhyn Cruzado na kung saan ay kanyang ibinahagi ang kanyang personal na ekspiryensa na kung saan ay nakita siya ni Jasmin sa loob ng embahada.
Sinimulan ni Jasmin ang pakikipagkilala kay Lhyn at ng malaman ni Jasmin na siya ay isang distressed worker ay hinimok niya si Lhyn na pumasok sa ibang employer bilang cleaner.
Ngunit nang ipagdiiinan ni Lhyn na siya ay papayag lamang na lumabas ng embahada para mamasukan bilang cleaner kung siya ay bibigyan ng kontrata, ay mistulang binalewala na nito si Lhyn at siya ay nilubayan na ng pakikipag-usap.
Nakakabahala na sa mismong loob ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Philippine Embassy mistulang namimingwit ng kanyang bibiktimahin si Jasmin.
Sa aming programa sa radio na UP UP PILIPINAS ay aming nakasalamuha si Atty Francis De Guzman, Director ng POEA Anti-Illegal Recruitment. Personal niyang napakinggan ang salaysay ng dalawang nagrereklamo laban kay Mama Ghala at Jasmin.
Nangako ito na kanyang bibigyan hustisya ang mga biktima ng raket ni Mama Ghala at siniguro rin nito na kanyang tutulungan na makauwi sa Pilipinas ang iba pang nabiktima ni Mama Ghala upang makapag-sampa ang mga ito ng kauukulang mga demanda laban sa mga ahensya na tinukoy ng mga biktima.
Malaki kasi ang pananagutan ng mga ahensya na kinabibilangan ng PJV Manpower, Goodman International at ng I-excell Manpower dahil sa kanilang pagkukulang na maimonitor ang sitwasyon ng kanilang mga “deployed” na mangagawa.
Lalo pa nga at ipinagdiinan ng isa sa mga biktima na si OFW Reyven na siya ay humingi na ng tulong sa kanyang ahensya, ngunit imbes na tulungan at masaklolohan ay iminungkahi pa nito na makipag-ugnayan na lamng kay Jasmin na hindi nagtagal ay kinuha siya ni Jasmin at ipinasa naman kay Mama Ghala.
Malaking hamon ang kaso na ito sa atinmg Philippine Overseas Labor Office at sa Philippine Embassy. Una, dahil ayon sa sumbong ng mga biktima ay labas-masok lamang si Jasmin sa loob ng POLO na kung saan ay doon ay nagagawa niyang mangumbinsi ng mga distressed OFW para ipasa sa ibang employer sa pamamagitan diumano ni Mama Ghala.
Ikalawa, sa pinakabagong impormasyon na aking natangap mula mismo sa mga OFW nasa tahanan pa ni Mama Ghala, ay umaabot na sila sa sampung kababaihan na ipinapasa ni Mama Ghala sa ibat-ibang employer.
Dapat na kumilos ang ating embahada upang saklolohan ang ating mga kabayaning OFW na nasa pangangalaga ni Mama Ghala gayung hindi naman ito nagmamay-ari ng ahensya. Dito ay masusubok ang husay ng pakikipag-ugnayan ng ating embahada sa kapulisan ng Saudi Arabia dahil ang tinutukoy na Mama Ghala ay isa rin mamayan ng nasabing bansa.
