ARESTADO ang isang most wanted person sa Antique dahil sa kasong rape, sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad noong Miyerkoles sa Quezon City.
Inanunsyo ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus B. Medina ang pagkakadakip ng top 10 most wanted person ng Antique Police Provincial Office na kinilalang si Joenard Mendoza, 45-anyos.
Batay sa ulat ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS-13) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Roldante S. Sarmiento, ang suspek ay nadakip noong Marso 23 sa tirahan nito sa Brgy. Payatas, Quezon City, ng pinagsanib na puwersa ng PS-13, SDIT-RIU NCR, 83rd Coy RDB, PNP SAF, Bankal Sub-Station 4, Makati CPS, RIU6-PIT Antique, at Tibiao MPS, Antique PPO, PRO 6.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong panggagahasa, na inisyu ni Judge Antonio Matino, Branch 64, San Jose Antique Hall of Justice. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing kaso.
“Mas paiigtingin natin ang ating operasyon laban sa mga most wanted person. Hindi tayo titigil sa paghahanap sa kanilang pinagtataguan upang sila ay maikulong at mapanagot sila sa batas upang mabigyan ng hustisya ang kanilang mga naging biktima,” saad ni P/BGen. Medina.
Pinuri naman ni P/MGen. Felipe Natividad, ang Regional Director ng NCRPO, ang pagsasanib-puwersa ng mga operatiba ng iba’t ibang ahensya ng pulisya at pagsusumikap nila para sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusado. “Ipagpatuloy pa ninyo ang mga ganitong mga operasyon para matanggalan ng pribilehiyong maging malaya ang sino mang nagkasala sa batas,” dagdag niya. (JOEL O. AMONGO)
