TULUYAN nang ipinasara ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang online news organization na Rappler sa bisa ng pinagtibay na desisyong nilagdaan ng komisyonado matapos ang mahigit tatlong taong pagrerebisa sa inihaing petisyon ng kontrobersyal na media outfit.
Pag-amin ni Rappler chief executive officer Maria Ressa sa harap ng iba pang delegado sa dinaluhang international media conference sa Hawaii, kinansela ng SEC ang “Certificates of Incorporation” ng Rappler at maging ng umbrella entity nitong Rappler Holdings Corporation.
Gayunpaman, sinabi ni Ressa na hindi pa isinasapubliko ng SEC ang kapasyahang may petsang Hunyo 28.
“We were notified by our lawyers of this ruling that effectively confirmed the shutdown of Rappler,” ayon pa kay Ressa, kasabay ng pahayag hinggil sa anila’y kanilang ihahaing apela – “especially since the proceedings were highly irregular.”
Pagtitiyak pa ng Rappler boss, “business as usual” pa rin naman niya sila sa kabila ng inilabas na SEC resolution.
Taong 2018 nang ilabas ng SEC ang 29-pahinang desisyong nagbabasura sa license to operate ng Rappler dahil umano sa kabi-kabilang paglabag sa Saligang Batas at mga nakalatag na restriksyon sa pagmamay-ari ng isang media entity.
“Rappler is liable for violating the constitutional and statutory Foreign Equity Restrictions in Mass Media enforceable through rules and laws within the mandate of the Commission.”
Giit naman ni Ressa, dapat ipawalang-bisa ang desisyon. (ENOCK ECHAGUE)
194 