MAKIKIPAGTULUNGAN si Executive Secretary Ralph Recto sa Office of the Ombudsman kaugnay ng reklamo na may kinalaman sa paglilipat ng P60 bilyong PhilHealth reserve funds sa National Treasury noong panahon ng kanyang termino bilang Kalihim ng Department of Finance (DOF).
Ang reklamo, na inihain ng Save the Philippines Coalition, ay naglalaman ng paratang na technical malversation, plunder, at grave misconduct laban kay Recto at kay dating PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr.
“I respect every citizen’s right to seek redress before the courts and will fully cooperate with the Office of the Ombudsman during the conduct of preliminary investigation,” wika ni Recto sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng text message. Idinagdag niya na tinatanggap niya ang pagkakataon na linawin ang alegasyon sa pamamagitan ng tamang legal channels:
“I welcome the opportunity to clarify the issues raised by the Save the Philippines Coalition, with representation by the Office of the Solicitor General.”
Sinabi rin ni Recto na mananatili siyang naka-pokus sa kanyang tungkulin bilang Executive Secretary at hindi papayagang madiskaril ng isyu ang kanyang trabaho sa gobyerno:
“Nevertheless, I will not get distracted by political noise. The work of improving government performance and services is my priority. I will let my lawyers address those issues,” aniya.
Samantala, ipinaliwanag ng Supreme Court na kahit idineklarang unconstitutional ang probisyon ng 2024 General Appropriations Act (GAA) at ang DOF memo na nagbigay-daan sa paglilipat ng PhilHealth funds, walang criminal liability si Recto. Ayon sa mga mahistrado, sinunod lamang niya ang atas ng Kongreso sa pamamagitan ng DOF Circular 003-2024, kaya nailipat ang pondo sa National Treasury noong 2024.
Binigyang-diin ng SC na ang Kongreso, bilang may tanging kapangyarihan sa pambansang pondo, ang nag-utos sa DOF na ilipat ang pondo ng PhilHealth at iba pang government-owned or controlled corporations (GOCCs) upang pondohan ang iba pang proyekto at programa ng gobyerno.
Ayon kay SC spokesperson Camille Ting, ang mga hakbang ni Recto ay isinagawa in good faith, kaya walang maaaring ikabit na kriminal na pananagutan sa kanya.
Dagdag pa ni Recto, “In my more than 30 years in government, this is the first case of such kind that I have confronted, and view it as part of public service.”
Ang pahayag ng SC at ang pagpayag ni Recto na makipagtulungan sa Ombudsman ay nagpapakita ng kanyang pananaw na ang usapin ay dapat lutasin sa tamang legal channels, habang pinapanatili ang kanyang tungkulin sa gobyerno.
(CHRISTIAN DALE)
83
