REHABILITASYON NG EDSA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

HALOS araw-araw na lang, matinding daloy ng trapiko ang madalas inirereklamo ng mga motorista at commuter. Kaya kapag maayos at walang abala ang biyahe, tila ba napakagandang bagay na ito. Mayroon ngang pag-aaral ang TomTom Traffic Index na umaabot ng 117 na oras kada taon o nasa halos limang araw ang nasasayang ng isang commuter dahil sa traffic congestion sa Metro Manila, kabilang na ang EDSA, noong 2023.

Pero paano natin masosolusyunan ito? Marami nang mga sinubukang gawin — nariyan ang number coding scheme na kasalukuyang ipinatutupad. May mga kumpanya na patuloy na ipinatutupad ang work-from-home set-up para hindi masyadong mahirapan ang mga empleyado. May mga nagsusulong din ng pagpapalakas pa at pagsasaayos ng ating mass transport system.

Sa ngayon, isa sa mainit na usapin ang paparating na rehabilitasyon ng EDSA — isa sa major na lansangan sa Metro Manila. Siyempre, bukod sa pagkontrol at pagsasaayos ng daloy ng trapiko, napakahalaga rin ng pagsigurong nasa maayos na kondisyon ang imprastraktura at ang mga kalsada at lansangan.

Naniniwala akong napakahalaga ng proyektong ito dahil sa rami ng sasakyan at commuter na dumaraan sa EDSA. Pero matindi talaga ang pangamba kung paano ito isasagawa lalo na sa magiging abalang dulot nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga motorista at commuter.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 250,000 kada araw lang ang vehicle capacity ng EDSA pero nasa mahigit 470,000 sasakyan ang gumagamit nito. Bukod sa over capacity, marami ring dapat ayusin kagaya ng drainage, mga lubak-lubak na kalsada, lumang overpass, at mga bus stop na hindi epektibo o hindi na ginagamit.

Kung gusto natin ng long-term na benepisyo at modernong transportasyon, kailangang natin ang rehabilitasyon. Para nga sa marami, matagal na dapat ito ginawa lalo na’t tayo rin naman ang makikinabang sa layuning mas mabilis na biyahe, mas ligtas na daan, mas maayos na sidewalk para sa mga pedestrian, at posibleng mas kaaya-ayang karanasan sa public transport.

Lahat naman tayo napeperwisyo sa biglaang mga remedyo kapag nagkakaproblema ang lansangan kagaya ng pagsasara o pagbabawas ng lanes, kawalan ng abiso sa traffic flow at alternatibong ruta. At aminin man natin o hindi, hindi talaga maaasahan ang mass transport system nation.

Isa sa balak ipatupad ng MMDA ang odd-even scheme na naglalayong bawasan ang dami ng mga sasakyang pwedeng dumaan sa EDSA sa mga piling araw — isang panandaliang solusyon lamang. Ngunit tulad ng coding scheme, hindi natin masasabi na magiging epektibo. Maaaring may bumili lang ng bago o maski second-hand na sasakyan para ‘di maantala ang byahe, o kaya naman gumamit ng alternatibong mga ruta — na limitado rin naman — na maaaring magdulot ng matindi ring trapik sa ibang lugar.

Kung bahagi ng mas malawakang solusyon, pwede ring maging epektibo lalo na kung magkakaroon ng mas pinalawak at episyenteng public transport system, mas maraming park-and-ride facilities, at pagsusulong ng carpooling at shuttle service para sa mga empleyado para ‘di na magkanya-kanya ng sasakyan.

Pero pinakamahalaga ang pagkakaroon ng maayos na latag ng plano — hindi paisa-isa na tila ba hindi pinag-isipan ang mga dapat gawin. Importante ang maagang abiso at malinaw na komunikasyon para rin ma-manage ang mga pagkabahala at masagot agad ang mga agam-agam at katanungan ng mga maaapektuhan. Kailangan din ng higit pang koordinasyon sa mga local government unit para mapadali ang trapiko sa alternatibong mga ruta at paglalagay ng traffic marshals at digital signages sa strategic locations upang matulungan ang motorista sa re-routing. Kahit papaano, makatutulong din kung magkakaroon ng dagdag na bus o mga public utility vehicle na malaki ang kapasidad para makatulong sa mga commuter.

Alam natin na maganda naman ang layunin ng rehabilitasyon ng EDSA  dahil kung hindi ngayon, kailan pa? Para naman ito sa kaginhawaan ng bawat Pilipinong bumibiyahe araw-araw.

Kung may malinaw na plano, tamang komunikasyon, at konsultasyon sa publiko— para masigurong kaisa ang lahat ng stakeholder para sa maayos at makataong pagpapatupad nito. Kailangan lang natin isaalang-alang na pare-pareho tayong may interes, at sa huli pare-pareho tayo dapat makinabang.

25

Related posts

Leave a Comment