PINAPAYAGAN na rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga nais magsimba ngayong Semana Santa.
Base sa naging anunsyo ni Presidential spokesperson Harry Roque, pinapayagan ng IATF ang “once a day religious gatherings” mula Abril 1 hanggang 4, 2021.
Dahil dito, kinakailangan aniya na sundin ng mga religious denomination at ipatupad ang mga sumusunod na karagdagang controls bukod pa sa mga dati nilang ginagawang hakbang bilang pag-iingat sa kumakalat na COVID-19 habang sila ay nagsasagawa ng kanilang religious services o activities.
Una na aniya ay kinakailangang sundin ang maximum indoor seating capacity na sampung porsyento sa lahat na oras.
Hinihikayat din na ang pagpasok sa mga simbahan o venues ay sa pamamagitan ng reservation para matiyak na masusunod ang 10% capacity limitation.
Pangalawa, ani Sec. Roque ay bawal ang pagtitipon-tipon o pagsasagawa ng religious activities sa labas ng simbahan o venue.
Ang pangatlo aniya ay upang maiwasan ang pagtitipon-tipon ng mga tao sa labas ng simbahan, ipinagbabawal ang paggamit ng audio/video systems sa labas ng simbahan o venue habang mayroong misa o worship service.
Habang ang pang-apat, ang live singing kung meron man ay istriktong lilimitahan at hinihikayat ang recorded singing.
At ang panghuli naman ani Sec. Roque ay hinihikayat na ang pag-attend sa religious activities sa pamamagitan ng iba’t ibang online platforms. (CHRISTIAN DALE)
322
