(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroong tumitiba nang husto sa mga overseas Filipino workers (OFWs), ito ay ang mga banko dahil tinataya ng isang mambabatas na kikita ang mga ito ng $3.2 Bill o P166.4 Billion ngayong taon sa pamamagitan ng remittance charges.
Ito ang dahilan kaya nais ng isang mambabatas sa Kamara na bawasan ng kalahati ang 10.90% na sinisingil ng mga banko sa mga OFWs sa halaga ng kanilang ipinapadala sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Ayon kay ACT OFW party-list Rep. John Bertiz, tinatayang aabot sa $29.8 Billion ang cash na ipadadala ng mga OFWs ngayong 2019 sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga banko.
“To transfer the entire $29.8 billion home, OFWs will be forking out 10.90 percent, or some $3.2 billion, to pay for bank fees,” ani Bertiz kaya tibab-tiba ang mga bankong ito sa mga OFWs.
Natataasan din si Bertiz sa sinisingil na remittance charges ng mga banko sa mga OFWs dahil ang ibang remittances center (na hindi bangko) ay 6 hanggang 7% lang ang sinisingil ng mga ito sa mga nagpapadala ng pera sa kanila.
Napakataas din umano ang remittances ng mga bangko kumpara sa mga postal service na mahigit 7% lamang sa halaga ng ipinapadala ng mga OFWs kaya dapat tulungan ng gobyerno ang mga tinaguriang bagong bayani ng mga Filipino.
Hindi aniya makatuwiran ang napakataas na remittances charges ng mga local bank at mga katuwang ng mga ito na banko sa bansang pinagtatrabuhan ng mga ating mga kababayan.
Dahil dito, dapat aniyang gumawa ng batas ng Kongreso para bawasan kahit kalahati ang sinisingil na remittances charges ng mga banko upang mapakinabangan ng mga OFWs ang kanilang pinaghihirapan sa ibang bansa.
“If we can get banks to slash their remittance prices by one-half, this would mean an extra $1.6 billion (P83.2 billion) flowing into low- and middle-income Filipino households and into the economy,” ani Bertiz.
