REMULLA IKOKONSULTA SA SC ISYU NG ‘SUHOL’ SA KASO NG MISSING SABUNGEROS

KAKAUSAPIN ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo hinggil sa gumagapang na suhol at pera para impluwensyahan ang judiciary kaugnay ng kontrobersyal na missing sabungeros.

Ito ay matapos aminin ni Remulla na mismong si alyas Totoy ang nangumpisal sa kanya na nagbanta ang mastermind at sinabing “Kaya natin ‘yan, kahit ang SC kaya natin”!

“Credible enough” na maituturing si alyas “Totoy,” ayon sa kalihim.

Dahil sa mga dokumento at video na hawak nito malaking tulong para mapanagot ang mga sangkot sa kaso.

Ayon kay Remulla, Ang pagiging state witness ni Totoy ay dadaan sa isang “step by step” na proseso, at ang prosecution ang magtatakda ng paraan para mangyari ito.

Dagdag pa ni Remulla, ang kalaban sa kaso ay napaka-powerful at may malaking pera na maaaring makapasok kahit sa judiciary kaya naman kailangan ng DOJ ang tulong ni CJ Gesmundo.

Ang planong pakikipag-usap ni Remulla kay Gesmundo ay para sa suporta sa pag-iimbestiga at proteksyon ng mga saksi kabilang na ang mga bagay na humahadlang sa pag-usad ng kaso dahil sa impluwensya ng pera ng e-sabong.

Ang sinasabing mastermind na binanggit ni Totoy ay kilalang personalidad, ngunit hindi pa pwedeng ibunyag ang kanyang pangalan dahil patuloy pa rin ang case build-up.

Tiwala naman ang DOJ na kaya nilang harapin ang anumang hamon, kahit na umabot pa ito sa Supreme Court.

Samantala, isang grupo ng mga abogado ang nag-alok ng libreng serbisyong legal para tumulong sa mga pamilya ng 34 na sabungerong nawala.

Ito bilang patunay na nagkakaisa ang mga Pilipino upang makamit ang hustisya sa mga biktima ng krimen at pagkakaroon ng tiwala sa gobyerno.

Magugunitang muling umalingawngaw ang kaso ng missing sabungeros matapos lumutang ang witness na si alyas Totoy at sinabing ibinaon sa Taal Lake ang 34 na sabungero.

(JULIET PACOT)

46

Related posts

Leave a Comment