Si Atty. Cristina Conti habang sumasagot sa katanungan ng mga mamamahayag sa The Agenda Forum sa Club Filipino, kasama si Atty. Sigfrid Mison bilang moderator.
‘WA EPEK’ o walang saysay umano ang isinasagawang “international campaign” ni Vice President Sara Duterte upang mapalaya pansamantala si dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakadetine nito sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ito ang naging pahayag ni Atty. Cristina Conti, National President ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at Assistant Counsel to the ICC, sa ‘The Agenda’ media forum sa Club Filipino, San Juan City, kahapon, Hunyo 27, 2025.
Inurirat kasi ng mga mamamahayag si Conti kung ano ang magiging epekto ng panawagan ng Pangalawang Pangulo matapos umanong tanggihan ng bansang Belgium ang kahilingan ng dating pangulo na doon na lamang siya ilipat at pansamantalang ikulong.
“Batay sa aming rekord, wala pang bansa ang interesado na tumanggap bilang ‘host country’ sa kahilingan ng dating pangulo dahil nga tumanggi ang bansang Belgium. [Isa pa,] there’s no such thing as ‘audience effect,'” ang pahayag ni Conti.
Sa pinakahuling ulat, napili ng dating pangulo ang bansang Australia kapalit ng Belgium ngunit tumanggi rin umano ito sa kahilingan ni Duterte bilang “third country.”
Matatandaan na tinutulan ni Conti at ng mga taga-usig ang kahilingang ito ng dating pangulo na nahaharap sa kasong ‘crimes against humanity’ kaugnay sa naging kampanya nito laban sa ilegal na droga.
“Hindi na bago sa ICC ang kahilingan ng mga nakakulong ng pansamantalang paglaya, na maaari namang ipagkaloob kung ang akusado ay hindi “flight risk,” subalit, kaya nga inaresto ang dating pangulo on the grounds of flight risk,” saad pa ng abogada.
Dagdag pa ni Conti, “may mga ikinulong na at pinagkalooban ng ICC ng pansamantalang paglaya dahil magagaan lang na mga kaso ang kinakaharap ng mga akusado sa ilalim ng Article 80 ng Rome Statute, at hindi aniya makahahadlang at magsasapanganib sa magkabilang partido at hindi na makagawa ng karagdagan o ibang kahalintulad na kaso.”
Sinabi pa ni Conti na sa kanyang karanasan, may dinidinig ang ICC kahit 80-anyos na basta’t kakayanin pa ng akusado na dumalo sa nasabing korte.
“Ang pansamantalang pagpapalaya ay posible pero on a “case-to-case basis” tulad ng ‘hospital arrest,’ o kaya ang tinatawag na ‘Mandela Standard’ na may 3-meter by 3-meter detention cell,” dagdag pa ng ICC counsel.
Ayon pa kay Conti, may mga karapatan din ang mga nakakulong bagama’t ang pasilidad ay hindi maituturing na isang hotel ngunit isa itong matatawag na “bread and breakfast” hostel, may gymnasium, library, at internet na may security check.
“Posibleng may maaaresto pang Pilipino na sangkot sa kaso habang umuusad ang pagdinig ng ICC kung saan dapat ipakita ng Pilipinas ang kooperasyon at kailangang suportahan,” pagtatapos ni Conti.
(NEP CASTILLO)
