REP. NOGRALES PATULOY SA PAMAMAHAGI NG TULONG PINANSYAL

TULOY-TULOY ang pag-arangkada ng “Tulong Pinansyal sa Montalban” ni Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente ng naturang bayan.

Kabilang sa mga ipinamahagi ni Cong. Nograles kasama ng DSWD, ay ang financial assistance, medical assistance, burial assistance, educational assistance at livelihood assistance.

Bukod sa mga residente, namahagi rin ng tulong pinansyal si Cong. Nograles sa iba pang mamamayan na kulang ang buwanang kita.

Kabilang sa mga ito ay ang 3,000 nangangalakal at naghahakot ng basura sa nasasakupan ng ika-4 na Distrito (Montalban) ng lalawigan ng Rizal.

“Ang ating mga nangangalakal at naghahakot ng basura, nangangariton, magbabakal, at magbobote ay kumikita lamang ng isa o dalawang libo kada buwan at hindi ito sapat para sa kanilang mga pamilya,” ani Nograles.

Dahil dito, nakipag-ugnayan si Nograles sa DSWD upang pag-aralan ang mga tulong pangkabuhayan sa pag-unlad na maaaring ihandog sa ating mga nangangalakal ng basura, tulad ng dagdag puhunan pang-negosyo na maaaring ipambili ng trisikad, kariton, at mga kagamitan para paigtingin ang kanilang maliit na negosyo.

“Mahigit 3,000 ang ating mga nangangalakal at naghahakot ng basura at hangad natin iangat ang kanilang antas ng pamumuhay,” dagdag pa ni Nograles.

Ayon pa kay Nograles patuloy ang kanyang isasagawang pagtulong sa mga residente ng Montalban katuwang ng DSWD para makaagapay sa mga taong nangangailangan ng ayuda.

Matatandaan, maging sa kasagsagan ng COVID-19 ay hindi inalintana ni Cong. Nograles ang panganib na posibleng mahawa siya ng virus, at hindi pa rin siya tumigil sa pag-iikot sa mga residente ng Montalban para sa pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. (JOEL O AMONGO)

 

 

215

Related posts

Leave a Comment