NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng agarang reporma sa labor sector kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 2.26 milyon ang bilang ng walang trabaho noong Disyembre 2025 mula sa 2.25 milyon noong Nobyembre. Mas mataas din ito kumpara sa 1.63 milyon na naitala noong Disyembre 2024.
Ayon kay Cayetano, kabilang sa nakikita niyang solusyon ang reporma sa sahod, mas matibay na proteksyon sa manggagawa, at pagtugon sa matagal nang problema sa labor system sa bansa.
Nagpahayag din siya ng pangamba sa patuloy na paghihirap ng mga Pilipino sa paghahanap ng matatag na trabaho at sapat na kita.
Naniniwala ang senador na kinakailangan ang sabayang pagkilos ng pamahalaan, manggagawa, at employers upang matiyak ang kalidad ng trabaho at makatarungang pasahod.
Kabilang sa prayoridad ni Cayetano sa 20th Congress ang pagpasa ng panukalang Executive-Legislative Labor Commission o LabCom Act na magtatatag ng pormal na mekanismo upang magtulungan ang iba’t ibang sektor sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa labor issues.
“This body will convene representatives from Congress, the Executive branch, MSMEs, trade and industry, and the labor sector, including migrant and informal sectors, to collectively pursue sustainable solutions,” ani Cayetano.
Iginiit pa ng senador na direktang nakaaapekto ang labor at employment concerns sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na kapag napipilitang magtrabaho sa ibang bansa ang mga manggagawa dahil sa kakulangan ng oportunidad sa loob ng bansa.
“If ever magkaroon ng Labor Commission, these are exactly the types of issues that we will solve,” dagdag niya.
32
