NANAWAGAN ang Koalisyong Makabayan na itigil ang Balikatan war games at imbestigahan ang pagpapaputok ng Tomahawk missile sa gitna ng joint military exercises.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang Tomahawk long-range missile ang pinaputok bandang 12:12 ng madaling araw mula sa Tacloban Airport patungong target area sa Laur, Nueva Ecija.
Ayon kay AFP spokesperson for Balikatan Philippine side Dennis Hernandez, bahagi ito ng military exercise na sumusuporta sa joint Pacific Multinational Readiness Center activities.
Iginiit ng grupo na ang paggamit ng naturang missile system ay naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng mga sibilyan at nagpapakita umano ng impluwensya ng dayuhang kapangyarihan sa bansa.
Nanawagan sila ng agarang pagtigil sa Balikatan exercises at masusing imbestigasyon sa insidente.
Sa panig naman ng AFP, tiniyak na isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga komunidad sa lahat ng military exercises at may sapat na koordinasyon bago isagawa ang mga ito.
(JESSE RUIZ)
177 