RESPONSIBILIDAD NG LALAKI AT BABAE

HANGGANG pagsuporta at paghikayat lang ba ang maitutulong ni Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher ‘Bong’ Go sa pagbalangkas ng Philippine Commission on Population (POPCOM) ng mga bagong hakbangin upang makontrol ang pagdami ng populasyon sa bansa?

Kabilang sa hakbangin ng POPCOM ang pagsusulong ng non-scalpel vasectomy (NSV).

Ayon sa senador, dapat maglunsad ang POPCOM, katuwang ang Department of Health ng education campaign upang maipaliwanag sa lahat ang buting dulot ng vasectomy.

Marami aniya sa mga lalaki ang posibleng mag-alinlangan sa maaaring side effect ng vasectomy kung hindi nila mauunawang mabuti ang medical procedure na ito.

Bilang chairman ng Committee on Health ay dapat na tukuyin ni Go ang suportang maaaring ibigay sa education campaign tungkol sa NSV na kung titingnan ay ginagawa na noon pa ng dalawang ahensya. Bilang senador, may hatak siya na hikayatin ang mga kalalakihang Pilipino na ­maging sinsero at aktibo sa family planning.

Siguro naman, sa taas ng bilihin ngayon ay maeengganyo ang kalalakihan na magplano ng pamilya. Hindi lang lalaki ang makatutulong sa pagkontrol ng pagdami ng populasyon. May partisipasyon din ang babae kaya dapat isulong ni Go ang mga hakbangin upang magkaroon ng responsible parenthood na magkabahaging responsibilidad ng kapwa lalaki at babae.

Hindi lang vasectomy ang uri ng contraceptive sa pagkontrol ng pagdami ng tao, kahit ito ang isinusulong ng POPCOM bilang male contraceptive dahil ito ay 99.8 porsyentong epektibo at isang beses lang isinasagawa.

Ngunit nananatiling hindi popular ang NSV. Marami pa rin ang gumagamit ng condom.

Kahit anong piga ng education campaign ay mahihirapang alisin ang paniniwala ng maraming kalalakihan na ang vasectomy ay nakakaapekto sa pagkalalaki, pagnanasa at pakikipagtalik.

Ang vasectomy ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagputol at pagtali ng maliit na tubo – ang vas deferens – na hahadlang sa daloy ng semilya na ang epekto ay wala nang kakayahan ang lalaki na makabuo ng bata. Hindi ito pagkapon.

Kung paiigtingin ang pagsusulong ng non-scalpel vasectomy, baka sumunod na ipanawagan ay ang tubal ligation sa mga babae.

791

Related posts

Leave a Comment