LUCENA CITY – Dead on the spot ang isang lalaking nakamotorsiklo makaraang mabangga at takbuhan ng van sa Maharlika Highway sa lungsod na ito, noong Sabado ng gabi.
Knilala ng Lucena City Police ang biktimang Rex Tibar Maac, 34-anyos, residente ng Barangay Talipan sa bayan ng Pagbilao.
Batay sa report ng Lucena Police, bandang alas-10:20 ng gabi nang salpukin ito ng isang puting van sa tapat ng isang gasolinahan sa Barangay Ibabang Dupay.
Matapos masalpok, tumakbo ang van patungo sa direksyon ng bayan ng Pagbilao at iniwan ang naghihingalong biktima.
Agad tinunton ng mga tauhan ng Lucena Police ang tumakas na suspek at nakita sa kuha ng CCTV sa Pagbilao na bumuwelta ang nasabing van sa diversion road ng Lucena at bumalik patungo sa direksyon ng Maynila.
Kasalukuyang pinaghahanap nasabing van na ayon sa pulisya ay nabasag ang unahang windshield dahil sa pagkakasalpok sa motorsiklo. (NILOU DEL CARMEN)
172 