SOUTH COTABATO- Mistulang barbecue na tinuhog ng matalim na kawayan ang isang preso habang sugatan ang isa pa nang lumipat ang mga ito sa kulungan ng huli sa South Cotabato provincial Jail.
Kinilala ang nasawi na si Mark Anthony Tuñacao, habang sugatan si Rolando Hunas matapos silang saksakin ng kapwa preso na si Mario Kaong.
Ayon kay OIC Provincial Jail Warden Felicito Gumapac, inilipat pansamantala sina Tuñacao at Hunas sa selda ni Kaong dahil bagong kumpuni ang selda ng mga ito.
Ikinagalit ito ni Kaong kaya kumuha ito ng kawayan na tinulisan sa dulo saka isinaksak kay Tuñacao na tinamaan sa maselang bahagi ng katawan at agad nitong ikinamatay.
Tinangkang umawat ni Hunas pero maging siya ay sinaksak din at nagtamo ng sugat sa katawan.
Naawat lamang ang pagwawala ni Kaong nang sumaklolo ang mga jail guard.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso si Kaong. Kabilang naman sa sisilipin sa imbestigasyon ang posibilidad ng kapabayaan ng mga jailguard. (ANNIE PINEDA)
271
