TATLO katao ang kumpirmadong namatay habang 14 pang iba ang sugatan makaraang sumiklab ang riot sa pagitan ng dalawang magkatunggaling grupo sa New Bilibid Prison (NBP) facility sa lungsod ng Muntinlupa nitong araw ng Linggo.
Hindi naman agad inilabas ni NBP Spokesperson Gabriel Chaclag ang pagkakakilanlan ng mga namatay at nasugatan sa sagupaan sa pagitan ng mga miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at Commando Gang sa isang quadrant sa loob ng NBP compound.
Sa paunang imbestigasyon, bandang alas-2:30 ng hapon nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang nanunungkulang indibidwal mula sa magkabilang grupo, bagay na humantong sa gulong kinasangkutan ng iba pa nilang mga miyembrong nakapiit sa nasabing pasilidad.
Pag-amin ni Chaclag, hindi nahagip ng limitadong bilang ng kanilang CCTV cameras ang kaguluhang sumiklab. Gayunpaman, naging maagap naman aniya ang pagresponde ng kanilang mga operatiba, katuwang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sa paunang ulat ng NBP infirmary, lahat ng mga namatay at nasugatan ay pawang may tama ng bala, hudyat para sa pagsasagawa ng clearing operations kung saan pitong sumpak at 16 patalim ang nasamsam ng mga kawani ng NBP.
Bilang pambungad na aksyon, agad na inilipat ng selda ang pitong iba pang pinaniniwalaang sangkot sa madugong sagupaang ikinamatay ng tatlo katao. Lalapatan din aniya ng angkop na parusa ang mapatutunayang bahagi ng naturang riot.
“Appropriate disciplinary measures will be applied to them. In depth investigation is being done and it is expected more participants in the violence will be identified,” pahabol pa ng tagapagsalita ng pambansang piitan.
