IGINIIT ni Senador Robin Padilla na ang history o kasaysayan ay palaging may magkaibang kwento o interpretasyon.
Reaksyon ito ni Padilla sa pahayag ng isang showbiz personality na ang ‘history ay parang tsismis’.
“Ang salitang tsismis nagkaroon ng showbiz na meaning kasi kaya na-misinterpret ng iba. Ang history talaga, 2 narrative yan. Ang nasusulat lang na history depende kung sino ang nanalo. Pag ikaw natalo sigurado ang paglalahad mo, tago.
Tago na yan, di na pakikinggan. Ang marinig na narrative, ang nanalo,” pahayag ni Padilla.
“Ngayon natin nakita yan. Sa matagal na panahon, narrative ng after People Power ang narinig natin. Ngayon narinig natin ang narrative ng Marcos. Di pwede natin sabihing tsismis ito,” dagdag ng senador.
“Ang narrative ng Aquino iba sa narrative ng Marcos. Dapat tayong mga Pilipino parehas nating pakinggan. At tayong humusga kung sino sa palagay natin di kung sino ang tama, kundi ano ang totoo,” pagpapatuloy pa ng mambabatas.
Ipinaliwanag ng senador na hindi ang tama ang dapat tignan sa dalawang kwento ng kasaysayan kundi ang katotohanan.
“Kasi sasabihin ng isa ako ang tama. Hindi. Alamin natin ano ang totoong naratibo. Totoo sa palagay natin kasi ang totoo maraming mukha,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
