HINDI na umabot nang buhay sa pagamutan ang kumandidatong bise alkalde ng bayan ng Lubuagan, Kalinga na si Corey Dickpus, na kilala bilang “Robin Hood” ng Kalinga at mahigit dalawang dekada nang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon sa Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PRO-CAR), nagsimula ang manhunt laban kay Dickpus noong 2001. Ito ay nagtapos sa isang engkuwentro matapos umanong makipagbarilan ang suspek sa mga tauhan ng Kalinga Provincial Police Office na nagsasagawa ng law enforcement operation sa Sitio Tocpao, Barangay Poblacion, bayan ng Lubuagan.
Isinugod si Dickpus sa Kalinga Provincial Hospital ngunit idineklara itong patay ng attending physician pasado alas-2 ng madaling araw nitong Martes. Isang pulis naman ang nasugatan sa shootout.
May nakalaang P1 milyong pabuya ang Philippine National Police para sa ikadarakip ni Dickpus, na kabilang sa mga most wanted fugitives ng bansa kaugnay ng kasong double murder noong taong 2000, nang ito ay nagsisilbi pa bilang barangay captain ng Barangay Poblacion.
Itinuturing din siyang pangunahing suspek sa massacre ng limang mangangalakal mula Pangasinan noong 2000.
Kilala si Dickpus sa pagiging mapagbigay at matulungin sa mga nangangailangan, dahilan upang bansagan siyang “Robin Hood” ng ilang residente ng Kalinga.
Noong May 2025 midterm elections, tumakbo si Dickpus bilang bise alkalde ng Lubuagan ngunit nabigo.
(JESSE RUIZ)
60
