INANUNSYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na maglalabas ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng kabuuang P476.488 milyon na allowance para sa senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) mula Enero 28 hanggang 30, 2026.
Ayon kay Domagoso, sasaklawin ng payout ang mga hindi pa naibibigay na allowance mula Setyembre hanggang Disyembre 2025 para sa mga solo parent at PWD, at mula Oktubre hanggang Disyembre 2025 naman para sa mga senior citizen.
Tinatayang aabot sa 282,040 benepisyaryo — kabilang ang mga senior citizen, solo parent, adult PWD, at PWD minors — ang makatatanggap ng allowance sa loob ng tatlong araw na pay-out
Isasagawa ang pamamahagi ng allowance ayon sa distrito:
• Enero 28 – Districts 1 at 2
• Enero 29 – Districts 3 at 4
• Enero 30 – Districts 5 at 6
Saklaw ng iskedyul ang lahat ng benepisyaryong grupo.
Batay sa mga datos na inilahad, 205,505 senior citizen ang tatanggap ng kabuuang P325.839 milyon para sa kanilang allowance mula Oktubre hanggang Disyembre 2025.
Samantala, P33.346 milyon naman ang ilalaan para sa 16,673 solo parent, at P97.458 milyon para sa 49,687 adult PWD, na parehong sasaklaw sa panahon mula Setyembre hanggang Disyembre 2025.
Mayroon ding karagdagang P19.845 milyon para sa 10,175 PWD minors, na magdadala sa kabuuang halaga ng payout ngayong Enero 2026, sa P476.488 milyon.
Ayon pa sa alkalde, batay sa beripikasyon ng City Treasurer, mahigit P700.315 milyon na ang naipamahagi mula Hulyo hanggang Disyembre 2025 bilang allowance at pensyon ng mga senior citizen, PWD, at solo parent, kabilang na ang mga pondong mula sa pamahalaang lungsod at sa pambansang pamahalaan na dumaan sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
(JOCELYN DOMENDEN)
51
