ROMUALDEZ PINATAWAN NG 90 ARAW NA SUSPENSYON

PINATAWAN ng Sandiganbayan ng 90-araw na preventive suspension si Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng mga kasong kinahaharap niya sa anti-graft court.

Ayon sa resolusyon ng Sandiganbayan, ipinatutupad ang preventive suspension alinsunod sa Section 13 ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nilinaw ng hukuman na hindi ito parusa o pinal na hatol sa kaso, kundi isang hakbang upang matiyak na hindi magagamit ng opisyal ang kanyang posisyon habang nagpapatuloy ang pagdinig.

Sa ilalim ng kautusan, pansamantalang hindi maaaring gampanan ni Romualdez ang kanyang mga tungkulin bilang kinatawan ng Leyte at iba pang gawaing opisyal na may kaugnayan sa kanyang tanggapan sa House of Representatives sa loob ng tatlong buwan.

Ipinadala na ng Sandiganbayan ang kopya ng kautusan sa Kapulungan ng mga Kinatawan upang maipatupad ang preventive suspension.

Samantala, sinabi ng kampo ni Romualdez na iginagalang nila ang proseso ng batas, ngunit naghahanda silang magsumite ng mga kaukulang legal na hakbang, kabilang ang motion for reconsideration.

Kaugnay nito, nagsagawa rin ng ocular inspection ang Sandiganbayan Third Division sa Quezon City Male Dormitory kung saan nakadetine si Romualdez.

Nahaharap ang dating House Speaker sa kasong pandarambong na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa mga proyekto sa imprastraktura ng pamahalaan na nagkakahalaga ng P7.44 bilyon.

Kabilang sa mga nagsagawa ng inspeksyon sina Associate Justices Karl Miranda at Fritz Bryan Anthony Makasiar Delos Santos. Layunin nitong alamin kung sumusunod ang pasilidad sa mga kondisyong itinakda ng korte sa kautusan nito noong Setyembre 10.

Nag-ugat ang inspeksyon sa pahayag ng kolumnistang si Ramon Tulfo na umano’y nakalalabas si Romualdez sa detention facility sakay ng ambulansya anomang oras na naisin nito.

Samantala, nilinaw ng kampo ng dating House Speaker na ang 90–araw na suspensyon na ipinataw ng Sandiganbayan ay hindi nangangahulugan na ito ay guilty sa kasong plunder na may kaugnayan sa flood control scandal.

Giit ng abogado ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo, hindi hatol ng pagkakasala ang suspensyon dahil mismong korte ang nagsabing kailangan pang patunayan ang mga paratang dahil hindi sapat ang akusasyon lang.

Paliwanag ni Fajardo, ang pagpapatupad ng suspensyon ay mandatory o iniuutos ng batas matapos makumpleto ang mga impormasyon kaugnay sa kinakaharap na kaso ni Romualdez.

80

Related posts

Leave a Comment