Sa epekto ng El Niño MARCOS PINAGDEDEKLARA NG STATE OF CALAMITY

UMABOT na sa 20 senador ang nananawagan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity sa mga lugar na apektado ng banta ng Super El Niño sa bansa.

Sa pamamagitan ng Proposed Senate Resolution No. 765, hinimok ng mga senador ang Pangulo na isaalang-alang ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang agad na maipatupad ang mga hakbang laban sa epekto ng matinding tagtuyot, partikular sa sektor ng agrikultura.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, maaaring magpatupad ng mga hakbang ang pamahalaan kapag nagdeklara ng state of calamity, kabilang ang pagpapataw ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin at mahigpit na pagbabantay laban sa hoarding at pagsasamantala sa presyo.

Kabilang din sa mga panukalang hakbang ang paglalaan o muling paglalaan ng pondo para kumpunihin ang mga pampublikong imprastraktura at pasilidad, gayundin ang pagbibigay ng pautang na walang interes sa mga sektor na lubhang maaapektuhan, alinsunod sa umiiral na mga batas.

Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, mahalagang makapaghanda agad ang pamahalaan dahil kasalukuyang panahon ng pagtatanim sa mga palayan at nangangailangan ng sapat na suplay ng tubig ang mga magsasaka.

“Planting season ngayon sa ating mga palayan, at kailangan ng tubig. Kailangan mag-plant din tayo ng mga remedial measure tulad ng pag-impose ng price ceilings, at laban sa overpricing, profiteering, at hoarding,” ani Pangilinan.

Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Senate President Win Gatchalian, Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III, at mga senador na sina Pangilinan, Juan Miguel “Migz” Zubiri, Bam Aquino, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Lito Lapid, Joel Villanueva, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Panfilo “Ping” Lacson, Francis “Chiz” Escudero, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Imee Marcos, Robin Padilla, Bong Go, Camille Villar at Mark Villar.

Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), umabot na sa halos P6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura na nakaapekto sa tinatayang 249,028 ektarya ng lupain sa bansa.

Batay sa PAGASA, inaasahang lalakas pa ang El Niño sa Tropical Pacific bago matapos ang taon at maaari itong magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.

83

Related posts

Leave a Comment