ROXAS NIGHT MARKET MULING BINUKSAN

DAVAO City – Matumal pa ang benta ng mga vendor sa Roxas Night Market dahil hindi pa dinaragsa ng publiko ang muling pagbubukas nito noong Sabado, Setyembre12.

Nasa 498 night market vendors ang nakapuwesto sa Roxas Avenue kung saan makabibili ng mga street food, ukay-ukay (used clothes) at mayroon ding street massage.

Matatandaang ipinag-utos ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang pagsasara sa night market noong Marso 12 bunsod ng COVID-19 outbreak sa bansa na nagresulta sa pagkawala ng hanapbuhay ng mga nagtitinda rito.

Bukod sa COVID-19 pandemic, hindi rin makalilimutan ng mga Dabawenyo ang Roxas night market bombing kung saan 17 katao ang namatay at 74 ang sugatan matapos ang pagsabog noong gabi ng Setyembre 2.

Unang ipinagpaliban ni Duterte-Carpio ang pagbubukas ng night market noon sanang unang araw ng Setyembre at sinabi nito na uunahin muna ang paggunita sa ikaapat na taon ng pagsabog upang alalahanin ang mga namatay dahil sa bomba na itinanim ng mga terorista.

Para sa bombing survivor na si Joanna Reyes, malaki ang pasasalamat niya sa lokal na gobyerno dahil hindi sila pinapabayaan at patuloy ang suporta sa kanilang pamilya. Tatlo aniya sa kanyang mga anak ang scholars sa kasalukuyan.

Sinabi naman ng street food vendor na si Sheila Laina, malaking tulong sa kanyang pamilya ang kinikita mula sa night market lalo pa ngayong pinag-aaral niya ang kanyang anak na lalaki sa Grade 3.

Samantala, nakatakdang magdiwang naman ang mga mahilig maglasing dahil nakatakdang tanggalin na ng lokal na gobyerno ang 24-hour liquor ban sa Setyembre 21 matapos na ideklara ito noong unang linggo ng Abril.

Ngunit nilinaw ni Mayor Duterte-Carpio na mananatiling sarado ang beerhouses, clubs at bars.

Ang Department of Trade and Industry (DTI) rin ang magbibigay ng guidelines sa mga establisiyemento na pinahintulutang makapag-operate sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).

“Hindi natin ni-lift ang 24-hour liquor ban para sa inyo (drinkers), ni-lift natin ‘to para sa mga negosyo at sa mga tao na nagtatrabaho sa liquor business. Hindi ito para sa inyong kasiyahan kundi para sa negosyo,” pahayag ng alkalde sa panayam ng 87.5 FM Davao City Disaster Radio noong Biyernes, Setyembre 11.

“We will do it gradually. We will reopen this one first and then we will see. If the cases will go up, then we will regroup, rearrange and re-coordinate on what we will do if, God forbid, that will happen,” dagdag ni Duterte-Carpio.

Sa kabila nito, pinaalalahan pa rin ng alkalde ang publiko hinggil sa drinking sessions dahil sa banta ng pandemya.

Aniya, nakatanggap siya ng mga ulat na ang ibang nahawa ng COVID-19 ay nagmula sa mga inuman dahil sa mass gatherings kaya bawal pa rin ang paglalasing sa pampublikong lugar.

Kung sakaling matanggal na ang 24-hour liquor ban, epektibo pa rin ang ordinansa ng lungsod sa dating oras ng liquor ban mula ala-una ng madaling araw hanggang sa alas-8:00 ng umaga. (DONDON DINOY)

168

Related posts

Leave a Comment