NAPAKARAMING pera ang napupunta sa mga korap na opisyal sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula noon hanggang ngayon.
Umaabot sa P50 milyon pataas ang nakukulimbat na pera ng mga kriminal sa PhilHealth, kaya krimeng pandarambong ang ginagawa nila.
Mataas na antas ng korapsyon ang pandarambong dahil P50 milyon pataas ang sangkot na pera.
Walang natinag IDINIIN noong bagong presidente pa lamang si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kahit “whiff” ng korapsyon ay tatanggalin niya sa puwesto.
Ngunit, walang natinag sa babalang ito, marahil, dahil hindi agad kumilos at tinanggal ni Duterte si Nicanor Faeldon at ang pangkat nito mula sa Bureau of Customs (BOC).
Sunud-sunod nang naglalabasan ang akusasyong korapsyon sa BOC, kabilang na ang lingguhang tara sa mga opisyal ng ahensiya, ngunit hindi inalis si Faeldon at mga retiradong militar mula sa ahensiya.
Mistulang naging ‘modelo’ ng mga korap ang pagbasura ni Duterte sa babala niyang kaluskos lang tanggal na sa posisyon.
Walang natinag sa PhilHealth, kahit ang itinalaga ni Duterte na maging pangulo at chief executive officer (CEO) ay retiradong heneral mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Ricardo Morales.
Nakatanggap ng “marching order” si Morales mula kay Duterte na linisin ang ahensiyang pangunahing nagtitiyak ng kalusugan ng kasapian nito na mga empleyado ng pamahalaan,pribadong sektor at mga Filipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa.
Ngunit, nagpatuloy ang pandarambong sa PhilHealth.
Sa panahon ni Morales, P15 bilyon ang perang nakuha ng mga korap, ayon kay Atty. Thorrsson Keith, ang nagbitiw na PhilHealth Anti-Fraud legal officer. P154-B mula kay Noynoy hanggang kay Digong
SA unang araw ng imbestigasyon ng Senado “bilang buong komite” noong Agosto 4, lumabas na P154 bilyon ang nawalang pera sa PhilHealth mula 2014 hanggang 2018.
Napakalaking halaga ng P154 bilyong ito na napunta sa isang pribadong kumpanya sa loob ng limang taon.
Kung bibilangin, P30.8 bilyon bawat taon ang nawawalang pera sa PhilHealth.
Ngunit, walang nakasuhan, walang nilitis na mga opisyal at kawani sa Sandiganbayan tungkol sa bilyun-bilyong perang ito.
Kaya, walang nakulong sa mga nakinabang at nagpasasa sa P154 bilyong pera ng PhilHealth na galing sa mga miyembro ng nasabing ahensiya ng Department of Health (DOH).
Sa loob ng limang taon, tig-dalawang taon at kalahati sina dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III at Pangulong Digong Duterte.
Kaya, hindi dapat balewalain ang 2014 hanggang 2018 bahagi ng PhilHealth.
Idiniin si Duque SA ikalawang imbestigasyon ng Senado, hindi kasama si DOH Secretary Francsico Duque III sa mga pinagtatanong ng mga senador hinggil sa korapsyon sa PhilHealth.
Bilang kalihim ng DOH, chairman ng Board of Directors ng PhilHealth si Duque.
Si Morales na pangulo at CEO ng PhilHealth ay siya namang vice chairman ng ahensiya.
Nagtaka si Senadora Ana Theresia “Risa” Hontiveros kung bakit wala si Duque.
“Why is the Health Secretary unscathed in all this? Isa si Secretary Duque sa mga dapat magpaliwanag nang maigi ukol sa mga alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth. In fact, he has been connected with PhilHealth in various capacities since 2001. Now on his second term as chairperson of the Board of PhilHealth, he cannot deny responsibility for all irregularities inside such a vital health institution,” birada ni Hontiveros.
Ipinaalala ng mambabatas sa kapwa niya mga senador ang haba ng koneksiyon at panunungkulan ni Duque sa PhilHealth.
Ani Hontiveros, matapos mailuklok si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng bansa nangmagwagi ang kudeta laban kay Pangulong Joseph Estrada noong Enero 2001, si Duque ay itinalaga ni Arroyo bilang pangulo at CEO ng PhilHealth noong Hunyo, 2001.
Tumakbo at nanalong pangulo si Arroyo noong 2004.
Kaya, mula 2001 hanggang 2005 nanatiling hepe ng PhilHealth si Duque.
Noong Hunyo 2005 hanggang 2009 ay chairman ng Board of Directors si Duque ng PhilHealth, dahil siya ang kalihim ni Arroyo sa DOH sa panahong ito.
Bago matapos ang termino ni Arroyo, itinalagang chairman ng Civil Service Commission (CSC) si Duque.
Sa paglalatag sa siyam na taong itinagal ni Duque sa PhilHealth, isang isyu lang ng korapsyon ang tinukoy ni Hontiveros na “P500 million fund from the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) [that] was allegedly used illegally to purchase PhilHealth cards bearing then President Gloria Macapagal Arroyo’s campaign slogan.”
Ang impormasyon tungkol sa kontrobersiyal na P500 milyon ay hiniram ni Hontiveros kay Senador Panfilo Lacson.
Pumutok ang isyung ito nang matapos na ang termino ni Arroyo.
Nakasuhan si Arroyo at iba pang opisyal ng OWWA sa Sandiganbayan, ngunit napawalang sala rin ang dating pangulo dahil walang matibay na batayan na ninakaw nina Arroyo, Duque at iba pa ang P500 milyon.
Hiniling ni Hontiveros na imbitahan ng Senado si Duque upang tanungin din ito sa korapsyon sa PhilHealth. Noynoy’s PhilHealth officials, inabswelto?
NANG maging pangulo ang noo’y Senador Noynoy Aquino taong 2010, ipinuwesto niya sa DOH si Dr. Enrique Ona Jr.
Tumagal hanggang Disyembre 19, 2014 si Ona.
Kaya, si Secretary Ona ang PhilHealth chairman mula Hunyo 2010 hanggang Disyembre 19, 2014.
Ang anomalyang pumutok sa PhilHealth sa panahong ito ay ang kuwestyonableng claim na P4 bilyon noong 2013.
Si Rep. Janette Garin ang ipinalit ni Aquino kay Ona na tumagal hanggang Hunyo 30, 2016.
Kaya, si Garin ang PhilHealth chairman bago magsara ang Disyembre 2014 hanggang matapos ang termino ni Aquino noong 2016.
Si Atty. Alexander Padilla ang pangulo at CEO ng PhilHealth noong si Garin ang chairman nito.
Nang mawala sa pwesto bilang chairman at vice chairman ng PhilHealth sina Garin at Padilla, kinasuhan sila ng katiwalian sa Office of the Ombudsman dahil noong panahon nila ay pinili at inilaan ng PhiHealth ang P10.6 bilyon sa pagpapatayo ng health centers sa mga lalawigan, sa halip na maging “premiums and benefits” na laan sa senior citizens na mga miyembro ng PhilHealth.
Noong Agosto 2015, lumiham at humingi sina Garin at Padilla ng P10.6 bilyon kay Budget Secretary Florencio “Butch” Abad nang hindi man lang pinagbotohan at sinang-ayunan ng PhilHealth Board of Directors.
Ang P10.6 bilyong pondo na ginamit sa pagpapatayo ng health centers ay nakabatay sa proyekto noon ni DOH Sec. Garin na “Health Facilities Enhancement Program” (HFEP).
Si Risa Hontiveros ay miyembro ng PhilHealth Board of Directors noong Nobyembre 2014 hanggang Oktubre 2015.
Ang ‘ninong’ ni Hontiveros upang maging opisyal sa PhilHealth ay si Ronald Llamas, kasamahan ni Hontiveros sa Akbayan party-list at adviser on political affairs ni Pangulong Aquino.
Nagbitiw si Hontiveros bilang paghahanda sa kanyang pagtakbo bilang senador para sa halalang 2016.
Nakasama si Hontiveros sa mga “opisyal na kandidato” ng Liberal Party (LP) sa pagkasenador noong halalang 2016 dahil kay Llamas.
Kung hindi pinaaprubahan sa PhilHealth Board of Directors ang P10.6 bilyong paghingi nina Atty. Padilla at Sec. Garin kay Sec. Abad, lumilitaw na hindi sangkot si Hontiveros sa P10.6 bilyong kontrobersiya.
Idiniin ni Hontiveros na “fake news” ang akusasyong nasangkot siya sa anomalya sa PhilHealth.
Ngunit, malinaw sa kanyang talumpati sa Senado noong Agosto 11 na si Secretary Duque lamang ang tanging ‘binaril’ ni Hontiveros.
“Tama na. Let us get to the bottom of this. If we want structural change, alugin natin. Expose the sacred cows. Expose the conflicts. Most of all, expose the backers,” ratsada ni Hontiveros.
Si Duque ay tumagal sa pamahalaan mula 2001 hanggang 2015 dahil kay Arroyo.
Nakabalik noong 2017 sa DOH at kahit maraming akusasyon ng korapsyon hanggang ngayong napakalaki ng problema ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), si Duque ay hindi tinanggal ni Duterte sa naturang kagawaran.
